PACMAN, NAMALATO!
- BULGAR

- Aug 19, 2019
- 1 min read

NAGPIYESTA sa tuwa ang mga kababayan ni Manny Pacquiao sa Barangay Spring nang bigla silang sorpresahin nang pagbisita ng Pambansang Kamao noong Sabado ng hapon sa Alabel, Sarangani Province.
Sinabi ni David Sisson na isa niyang staff ay bigla na lang nagyaya si Pacquiao na puntahan ang Alabel, Sarangani Province. “He just thought of going there. He did not inform the media. He just wanted to visit the Pacman village and gave out P1,000 for the adults and P500 for the kids,” ayon kay Sisson.
Tuwang-tuwa si Aling Maxima Quirante dahil sinorpresa sila ni “Pacman” at nabalatuhan pa. “May bata kasi dito tumakbo sa amin, sabi niya andiyan si Pacman, namimigay ng pera,” pahayag niya na lumabas sa ABS-CBN online.
“Kaya hayun takbuhan kami lahat at nagpila talaga. Nabigyan ako P1,000, binili ko kaagad ng bigas. Salamat talaga kay Senator Manny, nakabili ako ng bigas.”
Tinatayang may halos 600 katao ang nabiyayaan ng balato ni Pacman. “Not just the Pacman villagers. There are times that along the highway, he would stop by a tricycle driver or a jeepney driver. He talks to them and then give out some cash,” ani Sisson.
Karaniwan na ring dinadayo ng mga kababayan niya si Pacman sa kanyang mismong tahanan sa General Santos City tuwing umuuwi siya galing sa laban upang makahingi ng balato.
Karamihan ay may mga kamag-anak na may sakit at hindi kayang bayaran ang bill sa ospital. Noong Biyernes nakauwi ng Gen San si Pacman mula nang talunin niya si Keith Thurman noong nakaraang buwan. (MC)





Comments