MMDA, imbes na isabotahe, tulungan para matinding trapiko, matuldukan!
- Ryan B. Sison
- Aug 19, 2019
- 1 min read

HINDI pa nasosolusyunan ang matinding trapik sa bansa, pero mukhang may nananabotahe na dahil sa pag-iiwan ng isang malaking karton na inakalang naglalaman ng bomba sa ilalim ng overpass sa EDSA.
Dahil dito, napilitan ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na ipasara ang bahagi ng kalsada na pinaglalagyan ng karton nang sa gayun ay walang mapahamak na mamamayan.
Gayunman, marami ang naperhuwisyo dahil sa nangyari matapos nitong palalain ang kalagayan ng trapiko sa lugar.
Samantala, sa ngayon ay hindi pa natutukoy kung sino ang nag-iwan ng nasabing karton, pero handa umano itong kasuhan ng ahensiya dahil sa pagiging iresponsable.
Dagdag pa rito, kung hindi man ito pananabotahe, hindi tama na mag-iwan ng karton na puno ng styrofoam dahil hindi naman tapunan ng basura ang EDSA.
Nakadidismaya, dahil imbes na tulungan ang ahensiya, eh, dinaragdagan pa ang kanilang problema.
Bagama’t, may mga pagkukulang sila, hindi ito dahilan para pasamain pa ang kanilang imahe, lalo na at hindi lang sila ang apektado kundi maging ang iba nating mga kababayan.
Kaya ang panawagan para sa lahat, maging responsable tayo at huwag nang dumagdag sa problema para ang mga ito ay matuldukan na!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments