Mag-iiyak man magdamag si Cardema, tablado siya sa Comelec kasi hindi na siya youth

IMBES ISOLI SI ALICIA SA INA NITO, PINAG-PRESSCON PA NI ZARATE PARA BATIKUSIN ANG GOBYERNO — Habang umiiyak sa Senado at nananawagan si Relissa Lucena sa gobyerno na tulungan siyang maibalik sa kanya ang anak niyang 18-anyos na si Alicia Lucena na hindi na umuwi ng kanilang bahay mula nang sumapi sa Anakbayan, ang dapat sanang ginawa ni Bayan Muna Rep. Isagani Zarate ay dinala ang dalaga sa Senado at ibinalik sa ina nito.
Ang problema, hindi ganyan ang ginawa ni Zarate at sa halip ay nagpa-presscon sa Kongreso kasama si Alicia at hinayaan pa itong (Alicia) batikusin ang gobyerno na hinihingian ng tulong ng ermat ng dalagang aktibista, buwisit!
◘◘◘
KAHIT MAG-IIYAK PA, TABLADO NA SA COMELEC SI CARDEMA — Napaiyak si ex-National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema sa kanyang pa-press conference dahil sa isyung pagdiskuwalipika sa kanya ng Comelec dahil overaged na siya para maging representante ng Duterte Youth Partylist.
Hay, naku, kahit siguro magdamag na mag-iiyak si Cardema ay hindi na magbabago ang pasya ng Comelec, kasi nga sa edad niyang 34 ay hindi na siya youth, boom!
◘◘◘
STL, IPINA-STOP NI P-DUTERTE, PERO JUETENG SA ALBAY, NAMAMAYAGPAG PA RIN — Namamayagpag na raw ngayon ang pa-jueteng ni “Jun Moriones” sa Albay.
Kung totoo ito, dapat kuwestiyunin ni DILG Sec. Eduardo Año sina PNP-Region 5 Director Brig. Gen. Arnel Escobal, Albay PNP Director Col. Wilson Asueta at Albay Gov. Al Francis Bichara kung bakit sa kabila ng pagpapatigil ni P-Duterte ng STL operation, ang jueteng sa kanilang jurisdiction ay namamayagpag pa rin, period!
◘◘◘
MGA TAGA-CUSTOMS, DAPAT IPA-LIFESTYLE CHECK NI P-DUTERTE — Tuloy pa rin daw ang “tara” system sa Customs.
Kung gustong malaman ni P-Duterte kung sino sa mga opisyal ng Customs ang tumatanggap ng “tara,” simple lang ang dapat niyang gawin at ito ay ipag-utos ang lifestyle check kasi riyan malalaman kung sinu-sino sa mga taga-Customs ang naging instant millionaire sa pagtanggap ng “tara” sa mga smuggler sa Adwana, boom!





Comments