ANGELS, PINASADSAD ANG BALIPURE; UST, MATINDI


NAGPATULOY ang malaking problema ng Balipure matapos muling mabigo ng straight sets sa kamay ng PetroGazz Angels, 25-22, 25-18, 25-16 sa pagpapatuloy ng 2019 PVL Open Conference sa FilOil Flying V Centre.
Ang kabiguan ang ikalawang dikit ng Water Defenders ngayong Open Conference at ika-12 na nilang sunod mula pa noong nakaraang Reinforced Conference.Pinangunahan ni Jeanette Panaga ang panalo sa itinalang 16 puntos katuwang si Janel Cheng na nagposte ng 17 excellent sets at 6 na puntos.
Dahil sa panalo, nakabawi ang Angels sa natamong kabiguan sa una nilang laro sa kamay ng Banko Perlas na kasalo na nila ngayon sa patas na kartadang 1-1, panalo-talo.
Samantala, winalis ng UST Golden Tigresses ang Lyceum Lady Pirates, 25-18, 25-13, 25-21, upang makihanay sa mga opening day winners kahapon sa collegiate conference. Pinaglaro lahat ni coach Kungfu Reyes ang players sa nasabing panalo na nakamit nila matapos ang 73 minuto. “Para sa mga bata talaga itong liga namin. Nandoon naman yung potensiyal pero talagang ide-develop pa namin through ganitong liga,” wika ni Reyes.
Pinangunahan ni Imee Hernandez ang balanseng opensa ng UST sa itinalang 9 na puntos. Nanguna para sa nabigong Lyceum si Mary Joy Onofre na may 9 na puntos.
Sa ikalawang laro, pinasadsad ng Arellano Lady Chiefs ang TIP Lady Engineers, 25-12, 25-7, 25-13. Namuno sina Regine Arocha at Nicole Ebuena sa tagumpay ng reigning NCAA champion sa itinalang tig-10 puntos. (VA)





Comments