Tricycle driver todas sa bus
- Maeng Santos
- Aug 18, 2019
- 1 min read

ISANG tricycle driver ang namatay habang kritikal ang 64-anyos na lolang pasahero nito matapos salpukin ng pampasaherong bus sa Caloocan City, kahapon ng umaga.
Namatay habang ginagamot sa MCU Hospital sanhi ng tinamong pinsala sa ulo at katawan si Dante Ignacio, ng 11th Avenue, A. Bonifacio, Balintawak, Quezon City.
Ginagamot naman si Flordelisa Bintad, ng Bagbag, Novaliches na nagtamo ng mga sugat sa katawan.
Ipinag-utos na ni Caloocan Police Chief P/Col. Noel Flores ang pagtugis sa driver ng Raven Bus Transport (ACZ 4374) na nakilala lang sa Jonathan Boque na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa ulat, alas-5:40 ng umaga, tinatahak ng tricycle ang kahabaan ng 10th Avenue patungong Rizal Avenue habang binabagtas naman ng bus ang kahabaan ng B. Serrano patungong EDSA.
Pagsapit sa kanto ng B. Serrano at 10th Avenue, nasalpok ng bus ang kaliwang bahagi ng tricycle na naging dahilan upang maipit si Ignacio sa pagitan ng dalawang sasakyan.





Comments