Pagnanakaw ng gasolina, huli sa CCTV | PUMP ATTENDANT, CASHIER AT SEKYU, KULONG

UMABOT sa P100,000 ang kabuuang halaga ng gasolinang naipuslit ng tatlong empleyado ng gasolinahan matapos maaktuhan sa CCTV ang ginagawang pagnanakaw, kahapon sa Bgy. Ligtong 2, Rosario, Cavite.
Kinilala ni Police Supt. Dhefry Punzalan, ang mga suspek na sina Robert Anthony Bardiago, 19, pump attendant, ng Bgy. Magdiwang; Cindy Abdala, 29, cashier, ng Bgy. San Rafael 1, at Felipe Capones, Jr., 40, security guard, ng Bgy. 22 M.
Sa panayam kay Col. Punzalan, alas-8:30 ng umaga nang magtungo sa kanilang himpilan si Anthony Ramos, safety and security officer ng REPHIL Gasoline Station at bitbit ang mga kopya ng CCTV ng gasolinahan na nagpapatunay sa ginawang paulit-ulit na pagnanakaw ng tatlong suspek.
Alas-6:30 ng umaga kahapon huling nakita sa CCTV ang pagnanakaw ng mga suspek na inilalagay nila sa mga water container.
Bawat container ay naglalaman ng 14 liters at may presyong P695.
Nang i-check nila ang ibang footage ng CCTV, dito nila nadiskubre na matagal na palang ginagawa ng mga suspek ang pagnanakaw ng gasolina na simula pa lamang ng Hulyo 31 ay umabot na sa halagang P85,140.72, bukod pa sa ibang mga buwan.
Inaresto ang tatlo at kasalukuyang nakakulong sa Rosario Police at sasampahan ng mga kaukulang kaso.





Comments