Nakaatras-abante lang, driver na kuno | Pagkuha ng lisensiya ng mga nagmomotor, higpitan!

Patuloy ang pagtaas ng mga naitatalang insidente ng banggaan na kinasasangkutan ng mga motorsiklo.
Ayon sa grupong Motorcycle Federation of the Philippines, dapat itong isisi sa “pangangamote” ng ilang riders o kakulangan sa kaalaman sa mga batas-trapiko tulad ng road signs, speed limit at road making.
Batay sa datos, aabot sa 15, 513 ang naitalang aksidente mula noong Enero, 2019 kung saan 122 rito ang nakamamatay.
Ito ay dahil nababalewala umano ang mga lane na ibinibigay sa mga motorista, partikular sa EDSA dahil nakikihati ang mga ito sa linya na okupado na ng kotse at maituturing umano itong ‘lane splitting’.
Gayundin, dedma ang ibang riders sa speed limit kung saan ito ang kadalasang sanhi ng nakamamatay na aksidente habang ang simpleng paghinto kapag nakapula ang traffic light ay hindi rin pinalalampas dahil tayong mga Pinoy ay palaging nagmamadali.
Samantala, may ilan ding aksidente na nakasasagi ng side mirror at nakagagasgas ng katabing sasakyan ang mga nakamotor na dapat umanong isisi sa kakulangan ng driver’s education.
Dagdag pa rito, hindi umano mahirap kumuha ng lisensiya dahil kaunting atras-abante at ikot lang sa LTO training tracks ay pasado na.
Kamakailan, halos 9,000 ang kumuha ng written exam sa road safety seminar ng grupo, pero walo lang ang nakakuha ng passing grade.
Sa totoo lang, hindi biro ang bilang ng mga aksidenteng kinasasangkutan ng motorsiklo, lalo na kung ilang buhay na ang nawawala dahil dito.
Panahon na para taasan ang standard sa pagkuha ng lisensiya at kung kailangang mas maging mahigpit sa pagkuha nito ay gawin na at panawagan sa publiko, para maiwasan ang anumang uri ng aksidente, mga batas-trapiko, alamin at huwag dedmahin!
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments