GANDLER AT ABRIAM NG ATENEO AT BENILDE, NAGPAKABOG SA PVL
- BULGAR

- Aug 18, 2019
- 2 min read

AGAD nagpakitang-gilas sa debut game para sa Ateneo de Manila si rookie Faith Nisperos matapos pamunuan ang Lady Eagles sa panalo kontra Colegio de San Juan de Letran Lady Knights, 25-16, 22-25, 25-13, 25-20, kahapon sa pagbubukas ng 2019 PVL Collegiate Conference sa FilOil Flying V Centre.
Umiskor ang dating girls MVP mula sa National University ng 19 puntos na may 17 attacks at 2 service aces sa unang pagsabak bilang Lady Eagles.
Ayon kay coach Oliver Almadro, nahirapan sila bago pa man sumabak sa laro dahil kinailangang magsagawa ng last minute adjustments matapos mapag-alaman na ‘di makalalaro sa first game nila si Ponggay Gaston.
“We have to adjust our rotation because Ponggay got sick kahapon. You know naman, hindi kumpleto ‘yung line-up namin, so we really have to make a way, find a way with what we have,” pahayag ni Almadro. Isa sa mga tumulong upang pamunuan ang naiwang puwang ni Gaston ay si Vannie Gandler na gumawa ng 15 puntos, ang pito ay mula sa service aces bukod pa sa 15 excellent digs.
Nag-step-up at tumayong playmaker nila si Jaja Maraguinot na nagtala ng 24 excellent sets bukod sa 7 puntos.
Pinangunahan ng libero na si Dani Ravena ang floor defense sa itinalang 23 excellent digs at 10 excellent receptions.
Sa unang laban, sinorpresa ng College of St. Benilde Lady Blazers ang last year’s silver medalist Far Eastern University Lady Tamaraws, 28-26, 25-22, 25-17.
Nanguna si Klarisa Abriam sa panalo ng CSB sa game-high 13 puntos bukod sa 11 excellent digs habang ang nabigong FEU ay wala ang injured players na sina Lycha Ebon at Nette Villareal at si France Ronquillo ay gumawa ng 11 puntos. (VA)





Comments