2 BOC officials pinagbabaril
- Gina Pleñago
- Aug 18, 2019
- 1 min read

DALAWANG babaeng opisyal ng Bureau of Customs (BOC) ang sugatan habang nakaligtas naman ang isa pa nilang kasama matapos pagbabarilin ng apat na lalaki sa Bgy. Magallanes, Makati City.
Naisugod sa Makati City Medical Center ang dalawang biktima na sina Maricon Manalo, 56, officer-in-charge ng Formal Entry Division at Marietta Lasac, 60, Principal Appraiser nang makahingi ng tulong sa mga opisyal ng barangay.
Nakaligtas naman ang staff ni Manalo na si Cherelene Salazar, na nakaupo sa likuran ng kotseng minamaneho ng una.
Sa ulat na nakarating kay Makati City Police Chief Col. Rogelio Simon, alas-8:00 ng gabi, sakay ng Toyota Altis ang mga biktima at tinatahak ang kahabaan ng Lapu-Lapu Avenue nang harangin sila ng kotse sa panulukan ng Victoria St., Bgy. Magallanes.
Bumaba ang apat na lalaki at pinalibutan ang kotse ng mga biktima bago inutusan silang bumaba habang pinupuwersang buksan ang pintuan sa driver’s seat.
Tumangging bumaba ang mga biktima kaya binasag ng isa sa mga suspek ang salamin sa gawing harapan ng driver’s seat kaya sa kabila ng takot, nagawang patakbuhin ni Manalo nang paatras ang kotse upang takasan ang mga suspek.
Dito na sila pinagbabaril kung saan tinamaan si Lasac sa katawan habang sa kaliwang daliri naman nahagip si Manalo na patuloy sa pagmamaneho. Tumakas naman ang mga salarin makaraang makahingi ng tulong sa mga barangay ang mga biktima.
Ayon kay P/Major, Gideon Ines, patuloy ang kanilang pagsisiyasat sa pamamagitan ng pakikipagtulungan ng mga intelligence officer ng BOC habang nagsasagawa na rin sila ng follow-up operation upang makilala at madakip ang mga salarin.





Comments