top of page
TEKA NGA - MARIEL, KUMALAT NA TATAKBONG SENADOR, NILAIT NG NETIZENS_IG _marieltpadilla.jpe

15 taong kulong at multa sa grabeng magpresyo ng paninda

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 18, 2019
3 min read

NAKAKATAWAG-pansin sa mga panahong ito ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin bunsod na rin ng pagtaas ng mga buwis na ipinapataw sa commodities. Ito ay epekto kapag ang estado ay magpapataw ng karagdagang buwis. Ang pagpapataw ng buwis ng pamahalaan ay isa sa mga kapangyarihan ng estado at hindi natin dapat tinututulan sapagkat ito ang ginagamit ng pamahalaan para makalikom ng mga halagang kinakailangan para sa mga proyekto nito na pakikinabangan din ng mamamayan.

Nang dahil sa hindi natin maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin, may batas na ipinasa ang Kongreso na may layuning bigyan ng kontrol ang mga kapitalista sa pagpataw ng karampatang presyo sa mga bilihin.

Ang Price Control Act ay ipinasa ng Kongreso upang bigyan ng sapat na proteksiyon ang mga mamimili sa panahon ng kagipitan o biglaang pangangailangan. Ang polisiya ng batas na ito ay upang siguruhing ang mga pangunahing pangangailangan ng mga tao ay mapanatili sa rasonableng halaga sa lahat ng oras, lalo na sa panahon ng kagipitan bunsod ng mga kalamidad.

Sa paglalagay ng kontrol sa presyo ng mga bilihin, sinisiguro ng pamahalaan na mayroon pa ring sapat na balik-puhunan ang mga negosyante.

Ang mga pangunahing bilihin ay ang mga sumusunod: Bigas, mais, root crop, tinapay, isda (sariwa o de-lata) at iba pang laman-dagat, sariwang karne ng baboy, baka at manok, itlog, tubig (de-bote at iba pang lalagyan), gatas (fresh/processed), gulay at prutas, noodles, kape, asukal, mantika, asin, sabong panlaba, pang­gatong (firewood), uling, LPG at kerosene, kandila at mga kinakailangang gamot na pinag-uri ng Department of Health (DOH).

Ang prime commodities naman ay mga produktong hindi man kasali sa mga pangunahing bilihin, ito ay tinataguriang mahalaga tulad ng harina, de-latang karne ng baboy, baka o manok, sibuyas, bawang, suka, patis, toyo, sa­bon, fertilizer, pesticides, herbicides, patuka, papel at iba pang school supplies at construction materials.

Sa ilalim ng batas na ito, ipinagbabawal ang pagtatago at pagtitipon ng mga pangunahing bilihin (essential commodities) at prime commodities.

Masasabing mayroong pagtitipon (hoar­ding) kung mayroong hindi makatwirang pamimili, pagtitipon at pag-iimbak ng tao na labis-labis sa kanyang normal na imbentaryo. Sa pag­kakataong ang tao ay ayaw magbenta ng anu­mang uri ng pangunahing bilihin, nanganga­hulugan ito ng hindi rasonableng pag-iimbak.

May karapatan ang bawat mamimili laban sa labis na nagtataas ng presyo ng pa­ngunahing bilihin at prime commodities. May­roong labis na kita (profiteering) kapag ang pagbebenta ng anumang pangunahing bilihin at prime commodities sa presyong sob­­rang taas sa nakatalagang presyo nito.

Ipinagpapalagay na mayroong pana­naman­tala kapag ang mga pangunahing bilihin ay walang price tag; maling sukat at timbang; may halo o nahaluan ng ibang uri o ibinebenta ang mga pangunahing bilihin nang mas mataas sa 10% sa kanyang presyo nang nakaraang buwan.

Ang karapatan laban sa cartel ay bini­bigyang-proteksiyon din ng batas. Mayro­ong cartel na tinatawag kapag may dalawa o mas higit pang dami ng tao na nagkasundong magsagawa ng produksiyon, magpakalat, magproseso, magtago, mag-supply o magbenta ng mga pangunahing bilihin at prime commodities at ang kanilang layunin ay upang pataasan at manipulahin ang pagtaas ng presyo ng bilihin sa merkado.

Ang sinumang mahuling nagsasagawa ng illegal price manipulation ng pangunahing bilihin at prime commodities ay maaaring makulong nang hindi bababa sa limang taon at hindi hihigit sa 15 taon at pagbayad ng multa na hindi bababa sa P5,000 at hindi hihigit sa P2,000,000.

Sa mga mahuhuling nagsasagawa ng paglabag sa price ceiling na itinalaga para sa mga pangunahing bilihin ay maaaring mapa­ru­sahan ng pagkabilanggo ng hindi bababa sa isang taon at hindi hihigit sa 10 taon at pagmul­ta ng P5,000 at hindi hihigit sa P1,000,000.

Kapag ang nagsagawa ng mga nabanggit na paglabag ay korporasyon, ang mga opisyal at empleyado o kanilang Pilipinong kinata­wan para sa mga banyagang korporasyon ng mga ito ang magiging responsable sa nasabing mga paglabag.

Ang awtomatikong price control para sa mga pangunahing bilihin ay magtatagal hanggang sa tagal ng kondisyon na nagbunsod nito subalit, hindi mas matagal sa 60 araw. Para naman sa mga produktong hindi sakop ng regulasyon tulad na lamang ng LPG at kerosene, ang isinagawang price control ay hindi tatagal ng 15 araw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page