Hindi lang sa textbooks, pati sa mga natenggang klasrum | Kapalpakan at kapabayaan ng DepEd, isa-isa

‘TULAY sa tagumpay.’
Ganyan ang mga batang sinanay sa palakasan o sports. Kung ang bata ay may sapat na pagsasanay sa iba’t ibang uri ng sports, tiyak na malalaman niya kung ano ang nais niyang hulmahin sa mga ito at pag-ukulan ng interes.
Ayon sa pag-aaral ng National Federation of State High School Associations o NFHS sa Estados Unidos, importanteng magkaroon ng interes ang kabataan sa sports dahil nakapagpapalawak ito ng kanilang kakayahan at mas nakapagpapalusog ng kanilang katawan.
Liban sa nagkakahugis ang kanilang estratehiya, nahuhubog din ang kanilang personalidad lalo na ang pagiging cooperative at competitive. Ito ang magiging pundasyon nila upang sa mga darating na panahon ay maging magagaling silang atleta.
Ilan ito sa mga dahilan kaya itinutulak natin ang panukalang-batas na lilikha sa high school for sports. Sa pamamagitan nito, magkakaroon tayo ng ‘breeding ground’ ng world-class Filipino athletes.
Malaki ang paniniwala natin na kung may sapat na pagsasanay ang kabataang may kakaibang hilig sa sports, mahuhubog natin ang mga manlalarong Pinoy na mag-uwi ng gintong medalya mula sa Olympics at magkakaroon tayo ng representante sa National Basketball Association tulad ng ibang mga bansa.
Sa ating isinusulong na Senate Bill 330, iginigiit natin ang pagtatatag ng Philippine High School for Sports (PHSS).
Ito ay institusyong eksklusibong tututok sa kakayahan ng mga batang atleta upang mapaigting ang kani-kanilang galing at talento.
Natutuwa tayo dahil sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address, umayon si Pangulong Rodrigo Duterte sa paglikha ng high school for sports.
Kung mayroon tayong ganitong paaralan, tiyak na darami ang mga atleta nating maipadadala sa mga international competition at aani ng matataas na parangal.
◘◘◘
Nakadidismaya ang kapabayaan ng DepEd. Ahensiya ng karunungan, pero mukhang hindi lubos na maaasahan.
Ayon sa report ng COA nitong 2018, halos 27 milyong aklat para sa mga mag-aaral ng elementarya at high school ang hindi na-distribute sa mga paaralan — mga aklat na pawang mahalaga sa K-12 program.
Napakarami pang dapat reporma sa edukasyon ang patuloy na ikinabibigo natin tapos dumagdag pa ang ganitong kahinaan ng departamento.
Sa bawat taunang budget hearing, ang education department ang may pinakamalaking pondo na nakukuha dahil ang layunin ay mapalakas ang kakayahan ng ating mag-aaral at masigurong mabigyan sila ng de-kalidad na edukasyon.
Kung may maayos na pinag-aralan, tiyak namang magandang kinabukasan din ang naghihintay sa kanila. Pero, kung nagpapabaya ang DepEd sa kanilang tungkulin, ano na lang ang mangyayari sa sektor na ito?
Dahil dito, tayo ay nagsumite ng resolusyon na bubusisi sa pangyayaring ito upang maisiwalat ang negatibong epekto ng kapabayaang ito ng DepEd sa performance ng K-12 students.
Lumabas din sa report ng COA na noong 2018, nakatakda sanang makapagpatayo ng 47 bagong silid-aralan ang DepEd, pero ang kinalabasan, 11 lang ang natapos nila.
Ang masakit pa, ire-report nila na 99 percent accomplished ang ibang classrooms, pero nalaman natin, 2 taon nang nakatengga ang construction at hindi pa rin tapos.
Taun-taon, ang laki ng pondo na ibinibigay sa DepEd para sa edukasyon ng mga bata, tapos masasayang lang ang malaking bahagi nito at makikita ulit natin ang mga estudyanteng walang classroom.
Ngayong taon, panibagong pagdinig ulit para sa mga budget ng iba’t ibang ahensiya. Hindi puwedeng bibigyan mo ng pondo, hindi naman pala magtatrabaho nang naaayon sa kanilang tungkulin.
Bubusisiin natin nang husto ang iba’t ibang kakulangan ng DepEd na napakairesponsable. May malaking pondo, pero hindi natutupad ang mga programa at proyekto para sa mga kapakanan ng edukasyon.





Comments