ALTAS, ‘DI UMUBRA SA BANGIS NG SBU; CARDINALS, MAANGAS

NAGPAMALAS ng umaapoy na opensa ang defending champion San Beda University upang patumbahin ang University of Perpetual Help System-Dalta, 102-56, sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre, Biyernes ng hapon. Nanatiling malinis ang kartada ng Red Lions sa 6-0 habang bumagsak ang Altas sa 2-5.
Nakadikit ang Altas sa mga unang minuto ng laro pero, umarangkada ng todo ang Red Lions at kinuha ang unang quarter, 30-17, sa pangunguna ni Donald Tankoua na nakagawa ng 8 puntos. Ang lahat ng ipinasok ni Coach Boyet Fernandez ay nag-ambag at umabot hanggang sa 52 ang lamang, 102-50, bago ipinasok ng Altas ang huling 6 na puntos.
Bumomba ng limang tres si AC Soberano sa 4th quarter upang mamuno sa panalo na may 15 puntos. Nagdagdag ng 7 puntos si Tankoua para magtapos na may 15 puntos at anim na rebounds. Sina Edgar Charcos at Rey Anthony Peralta ang nanguna sa Altas na parehong may 13 puntos. Sumunod ang dating Red Lions na si Ben Adamos na may 12 puntos at 5 rebounds.
Sa 2nd game, patuloy ang martsa ng Mapua University sa ikatlong sunod na panalo sa pamamagitan ng pagwalis sa Jose Rizal University, 83-63. Lamang ng 2 puntos lang sa halftime, 31-29, pumutok nang husto ang Cardinals sa second half upang unti-unting lumayo sa Heavy Bombers sa pinagsamang 34 puntos nina Laurenz Paul Victoria at Paolo Hernandez.





Comments