11 kulong sa droga

NASA 11 hinihinalang sangkot sa iligal na droga ang arestado sa buy-bust operation sa magkahiwalay na lugar sa Valenzuela City.
Sa tinanggap na ulat ni Valenzuela Police Chief P/Col. Carlito Gaces, ala-1:45 ng Biyernes ng madaling-araw nang ikasa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni P/Capt. Segundino Bulan, Jr. at PEMS Noel Bernedo sa koordinasyon sa PDEA ang buy-bust operation sa Santol St., Bagbaguin na nagresulta sa pagkakaaresto kina Jimmy dela Cruz, 40, at Sammy Erese, 29, matapos magbenta ng isang sachet ng shabu kay PSSG. Luis Alojacin na umaktong poseur-buyer.
Ayon kay SDEU Investigator PCpl. Pamela Joy Catalla, narekober sa mga suspek ang isa pang sachet ng shabu, P200 buy-bust money at P300 bill habang nadakma rin sina Irma Ramirez, 38; Noel Ontic, 33; Michael Leyson, 29, at nakuha sa mga ito ang tig-isang sachet ng shabu.
Nauna rito, alas-7:40 naman ng Huwebes ng gabi nang madamba sa buy-bust operation sa Bgy. Malanday sina Jose Jay Soriano, Sr., 48; Rudel Lazarte alyas Bulag, 30; Jose Jay, Jr., 20, at Mariecris Suarez, 34. Ani SDEU Investigator PCMS Restie Mables, narekober sa mga suspek ang P200 buy-bust money, P100 bill, coin purse, siyam na sachets ng hinihinalang shabu, drug paraphernalias at isa pang sachet ng shabu.
Timbog din sina Allan Magdaong, 39, at Wilfredo Paz, 47, at nakumpiska sa mga ito ang apat na sachets ng shabu at P200 buy-bust money.





Comments