top of page
Machong Chismisan - YT.jpg

Wikang katutubo, dapat isapuso ng kabataan para mas maging makabayan

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 15, 2019
2 min read

NGAYONG Agosto ang taunang pagdiri­wang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.”

Nakasaad sa Department of Education (DepEd) Memorandum No. 079, s. 2019 na ang ilan sa mga layunin ng pagdiriwang nito ay ma­itaas ang kamalayan nating mga Pinoy sa multi-lengguwalismo at mahikayat ang bawat isa na magsagawa ng mga programang pangwika na makatutulong sa pangangailangan ng ating lipunan.

Bukod dito, nais pangalagaan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ang mga karapatang pangwika sa tulong ng mga patakarang ipatu­tupad upang magkaroon ng seguridad laban sa anumang diskriminasyong pangwika.

Sa madaling salita, kailangan nating maipa­laganap ang pagtukoy at paggamit ng wikang katutubo sa iba’t ibang lalawigan ng Pilipinas.

Lahat ng ito ay bilang pagtugon sa prokla­masyon ng United Nations Educational, Scien­tific and Cultural Organization (UNESCO) na gawing International Year of Indigenous Lan­guages o Pandaigdigang Taon ng mga Katutu­bong Wika ang kasalukuyang taon.

Sa pamamagitan ng school activity, masa­sanay ang kabataan na maging kaisa sa layunin na kilalanin, tangkilikin at pahalagahan ang sari­ling atin.

Upang patuloy na mapaigting ang pagdiri­wang ng wikang pambansa sa mga paaralan, nagsasagawa ng sari-saring aktibidad at prog­rama mula sa elementarya hanggang sa kole­hiyo.

Inilahad ng KWF na kabilang dito ang pag­daraos ng kinder hanggang senior high school students ng quiz bee, paligsahan sa ispeling sang-ayon sa KWF 2013 Ortograpiyang Pam­bansa, paggawa ng mga islogan na may kaug­nayan sa tema, pagtatalumpati, pagbigkas ng isang katutubong tula, parada ng katutubong kasuotan at eksibit na nagtatanghal sa mga bayani ng wika ng lalawigan, rehiyon o bansa.

Sa kolehiyo naman, sila ay aktibo sa pag­sasagawa ng mga forum at talakayan tungkol sa iba’t ibang katutubong wika sa bansa, pag­sasaliksik sa pangangalaga at pagpapalakas ng mga katutubong wika at pagpapatibay ng mga patakarang pangwika ng unibersidad o kolehiyo para sa wikang Filipino maging sa wikang katu­tubo.

Noon pa man, ating ikinatutuwa ang parti­sipasyon dito ng mga mag-aaral dahil hindi lamang nadaragdagan ang kanilang kaalaman at nahahasa ang kanilang talento kundi nani­niwala tayong tumitindi rin ang kanilang pagma­mahal at pagmamalasakit para sa bayan.

Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, patuloy tayong magsusulong ng nararapat na polisiya at batas upang mapanatili at mapagyaman pa lalo ang ating wika, kultura at pagiging maka­bayan alang-alang sa mga kabataan na siyang mamumuno ng ating bansa sa hina­harap.

Ating tatandaan na ang wika ay kaluluwa at salamin sa pagkatao ng isang bansa.

Sa pamamagitan ng pagpapaangat ng pag­gamit at kamalayan ng mga katutubong wika tulad ng Cebuano, Ilocano, Hiligaynon, Kapam­pangan at iba pa, ito ay sumasalamin sa kato­tohanang nagkakaisa pa rin ang bawat ma­ma­mayan, anuman ang pagkakaiba at saanman tayo naroroon, ito ay dahil sa ating pagmama­hal sa ating bansa.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page