Magkaibigan, patay sa swimming

NASAWI ang dalawang kabataan matapos malunod habang naliligo sa dagat na sakop ng bayan ng Bagac sa Bataan.
Martes ng hapon nang matagpuan ang bangkay ng 18-anyos na si Marlon Anguluhan habang Lunes ng umaga naman nang makita ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard sa tulong ng Metro Bataan Development Authority (MBDA) ang bangkay ng isa pang nalunod na menor-de-edad.
Sa imbestigasyon ng Bagac Municipal Police, kasama ang dalawa sa anim na magkakaibigang nagkayayaang maligo sa dagat noong Linggo subalit, sa kasagsagan ng ulan, lumakas ang hampas ng alon at tila hinigop sa ilalim ang dalawang biktima.
Agad namang dinala sa Bagac Community and Medicare Hospital ang mga kasamang nakaligtas para mabigyan ng first aid.
Napag-alaman ng pulisya na naka-red flag alert status ang resort na ibig sabihin ay sarado ito sa publiko dahil sa masamang panahon at nagpumilit umanong pumasok at maligo ang mga ito.





Comments