LITERATUS, NAGKAMPEON SA KADAYAWAN CHESS
- Eddie M. Paez Jr.
- Aug 15, 2019
- 2 min read

SINAKMAL ni FIDE Master Austin Jacob Literatus ang korona mula sa mga dehadong katunggali upang pangatawanan ang pagiging “pre-tournament favorite” na bansag sa kanya sa matagumpay na pagbaba ng telon ng Kadayawan Chess Festival 2019 - Open sa palaruan ng Damosa Market Basket sa Lanang, Davao City.
Nagtala si Literatus, may rating na 2336, ng anim na panalo at isang draw pagkatapos ng 7 yugto ng bakbakan.
Biniktima nito sina Bernie Padilla (round 1), Bienvenido Tipay (round 2), Luis Nator (round 3), Melchor Arcenas Jr. (round 4), Johnnel Balquin (round 5) at Anthony Mosqueda (round 6) bago ito nakipaghatian ng puntos kay John Ray Batucan sa huling bahagi ng torneo.
Pero hindi naging sapat ang 6.5 puntos na produksiyon ng topseed dahil ganito rin ang isinumiteng rekord ng mga hindi inaasahang kasapi ng lead pack na sina no. 13 John Christian Lesaca (rating:2139), no. 24 Batucan (rating 2033) at no. 132 Corsino Maquiling Jr. (unrated).
Sa dakong huli, matapos lapatan ng tuntunin sa tiebreak, nangibabaw si Literatus sa kompetisyong isinaayos ng Davao City Sports Office at dinumog ng may 145 apisyonado ng ahedres.
Si Maquiling na dumaig sa mga woodpushers na may mas mataas na estado, kabilang na si FM Nelson Villanueva (3rd seed at may rating na 2246) ang nakasikwat ng bridesmaid honors habang napunta kay Batucan ang huling upuan sa podium ng paligsahang ginamitan ng 15 minuto at 5 segundo increment time control.
Kasama rin sa mga nakapasok sa unang 10 finishers sina 4. Lesaca (6.5 puntos), 5. Reynaldo Quiñonez (6.0 puntos), 6. Anthony Mosqueda (6.0 puntos), 7. Jeriel Manlimbana (6.0 puntos) 8. Leopoldo Ordiz (6.0 puntos), 9. Gino Angelo Asuncion (5.5 puntos), at 10. John Gerard Acedo (5.5 puntos).





Comments