LGBTQ+, tablado pa rin kahit batas na ang all-gender toilet


”MAY ut*n ka pa rin, tandaan mo ‘yan.”
Isang transgender woman ang hindi pinayagang gumamit ng pambabaeng comfort room sa isang mall sa Quezon City.
Sa pamamagitan ng Facebook live, ibinahagi ni Gretchen Custodio Diez, 28-anyos, ang ilan sa mga pangyayari. Maririnig sa video ang paggigiit ng janitress na hindi dapat gumamit si Diez ng naturang CR dahil may-ari ito ng lalaki. Ayon pa kay Diez, kinaladkad siya ng naturang janitress at ilang beses na hinampas dahil sa kanyang video recording.
Hanggang sa pinosasan ng isang lady guard si Diez saka dinala sa QCPD Station 7. Bagama’t, sa press briefing ni Diez, sinabi nitong humingi na ng paumanhin ang janitress at wala na rin siyang planong magsampa ng kaso laban sa management ng mall.
Samantala, sa ilalim ng Gender Fair Ordinance sa lungsod, 2014 pa nang ipagbawal ang lahat ng uri ng diskriminasyon at binibigyan ng proteksiyon at paggalang ang dignidad at karapatang-pantao ng mga miyembro ng LGBTQ+.
Kabilang ang paglalaan ng “All-Gender Toilet” sa lahat ng government offices, private at commercial establishments sa lungsod. Dahil sa insidente, inatasan ng pamunuan ng lungsod ang Business Permits and Licensing Department (BPLD) na tiyaking ang lahat ng establisimyento ay nakatutugon sa ordinansa.
Ayon sa ilang miyembro ng LGBTQ+, isa sa mga kinatatakutan nilang insidente ay kapag sila ay nasa labas at kailangang gumamit ng CR. May pagkakataon umanong ang isang lesbian ay hindi rin pinapasok sa palikuran na pambabae at mayroon ding kinuwestiyon nang pumasok naman sa CR na panlalaki. Kaya ang solusyon, magkaroon ng CR na para sa lahat ng kasarian.
Maaaring sa iba, ito ay mababaw na isyu, pero sa mga mismong nakararanas ng ganitong sitwasyon, napakahirap nito. Ito ‘yung literal na hindi mo alam kung saan ka lulugar, ‘yung tipong titiisin mo na lang na hindi uminom para hindi ka maihi.
Kaya panahon na para sumunod sa ordinansang limang taon naman nang inaprubahan, partikular sa nabanggit na lungsod. Hindi lang ito iwas-gulo kundi respeto rin sa lahat. Sa ibang lugar, nasa inyo kung kailangan pa ba ng ganitong mga eksena bago maglaan ng All-Gender Toilet.
Lalaki, babae, LGBTQ+, magkakaiba man tayo sa maraming bagay, iisa tayo pagdating sa karapatang mabuhay at igalang.





Comments