3 days ultimatum sa 2 kapalmuks na higanteng negosyante sa Maynila na ayaw magbayad ng P25-M utang
- Isko Moreno
- Aug 15, 2019
- 1 min read

KAHAPON ay binigyan natin ng ultimatum ang dalawang korporasyon, ang XRC Mall Developers at Marketlife Management and Leasing Corporation na magbayad na ng kanilang matagal nang pagkakautang at obligasyon sa Lungsod ng Maynila na nagkakahalaga na halos P25 milyon.
Nakadidismaya na ‘yung mga maliliit na negosyo ay nakapagbabayad, samantalang, ang mga dambuhalang kumpanya, winawalanghiya ang gobyerno. Para na ninyong nilalapastangan ang lungsod niyan!
Para sa mga hindi nakakaalam, ang dalawang kumpanya na XRC at Marketlife ay nakipag-joint venture sa pamahalaan ng Lungsod ng Maynila noong nakaraang administrasyon at nangakong magbibigay ng “guaranteed revenue” o paniguradong kita dahil sa pagpayag ng siyudad na gawing pribado ang public market sa lungsod.
Ngunit, nakalulungkot isipin na mula noong 2017 ay hindi na nakapagbabayad ang mga kumpanyang ito na namamahala sa Sta. Ana Market, San Andres Market, Sampaloc Market, Trabajo Market at Quinta Private Market.
Kaya inatasan na natin ang ating city administrator na bigyan ng 72 hours ang nasabing mga kumpanya para mabayaran ang kanilang pagkakautang at kung hindi ay mapipilitan tayong ipawalang-bisa ang mga kontrata nito.
Hindi ito makatarungan para sa siyudad, lalo na sa mga maliliit nating kababayan na naghahanapbuhay sa nasabing palengke na patuloy nilang sinisingil. Mas inuna nilang bawiin ang kanilang ginastos kaysa gawin ang obligasyon sa pamahalaan.





Comments