TORNADOES, BINUHAWI ANG MARINERA SA PSL


SANDALI lang dinurog ng hangin ng Foton Tornadoes ang wala pang panalong Marinerang Pilipina, 25-15, 29-27, 25-14, upang tapusin ang preliminary round nang mataas na antas ng laro sa Philippine Superliga All-Filipino Conference kagabi sa Malolos Sports and Convention Center.
Ganap nang nakabawi ang Tornadoes sa tatlong pagkakadapa sa laro sa tikas ng magkapatid na sina Jaja Santiago at Dindin Santiago-Manabat para sa tig-16 puntos at pinadapa ang Lady Skippers tungo sa winless campaign sa yugto ng 14-game preliminaries ng prestihiyosong women’s club tourney.
Itinanghal si Manabat na Best Player of the Game sa bisa ng 13 kills, 2 aces at block habang si Santiago ay may itinarak na 14 kills at 2 blocks. “Our service-receive worked well. That has been our problem for the past games. We are good in attacking and blocking but service-receive is still the key to win games,” saad ni Manabat, na may 11 excellent digs.
“Heading into the quarterfinals. Service-receive will still be our focus because when you have a good service-receive, attacking, blocking and the rest follow.” Malaking bagay din ang laro nina wing spikers Mina Aganon at Elaine Kasilag sa bisa ng 9 at 8 puntos maging sina setter Gyselle Sy ay may 20 excellent sets at 5 markers.
Nagpakabog din si Eya Laure na pinalaro nang ma-injured si Maika Ortiz na debut game niya sa PSL para sa Foton na ipinasok sa 2nd at 3rd set para sa 2 markers at nag-a-adjust pa sa sistema ng team.
Nakatapos ang Foton sa elimination na may 8-6 win-loss record katapat ang Generika-Ayala, pero wagi ang Tornadoes sa 25 quotient points, 2 puntos na lamang sa Lifesavers. Dinarasal ng Foton na matalo ang Cignal na sumasagupa habang isinusulat ito kontra F2 Logistics para sa no. 3 spot at makasampa sa knockout quarterfinals kontra No.6 PLDT sa Huwebes sa FilOil Flying V Centre, San Juan City. Kung matatalo ng Cignal ang Cargo Movers, mailalagay sa 3rd spot ang HD habang ang Foton ay lagpak sa no. 4 at haharapin ang 5th placer Generika-Ayala. (VA/MC)





Comments