PNP-CIDG-NCR Chief Col. Ibay, ikinanta ng mga kolektor sa weekly payola
- BULGAR

- Aug 14, 2019
- 2 min read
KAHIT DOBLE NA ANG SUWELDO, ‘PROTECTION RACKET’ NG MGA SCALAWAG NA PARAK, TULOY PA RIN—Ang sabi noon ni P-Duterte, kaya niya dinoble ang suweldo ng mga pulis ay para matigil na raw ang korupsiyon sa PNP. Pero wala palang bisa ang kanilang nadobleng suweldo.
Ang dahilan, hanggang ngayon, tuloy pa rin ang ‘protection racket’ o panghihingi ng “tongpats” ng mga scalawag na parak sa iba’t ibang uri ng raket ng mga iligalista sa bansa, boom!
◘◘◘
PNP-CIDG-NCR CHIEF COL. IBAY, “NGANGA” SA ILLEGAL GAMBLING—Ipinatigil ni P-Duterte ang ilang legal na pasugalan ng PCSO, pero ang masaklap, ang mga illegal gambling sa Metro Manila ay hindi naipatigil.
Si Col. Arnold Thomas Ibay, hepe ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG-NCR) ang dapat namumuno sa pag-raid at pagpapatigil sa mga illegal gambling sa Metro Manila, pero ang masaklap, imbes na manghuli ay may mga nagpapakilalang “tongpats collector” ng CIDG-NCR ang nanghihingi raw ng “weekly payola” sa mga iligalista, buwisit!
◘◘◘
NAGKALAT NA RAKET NG MGA ILIGALISTA SA JURISDICTION NI SPDO DIRECTOR GEN. ELISEO CRUZ—Ang may pinakamaraming illegal gambling daw tulad ng bookies, sakla, drop balls, color games at ez-2 ay nasa Pateros, Muntinlupa City, Parañaque City, Taguig City, Makati City at Pasay City.
Sana, nang ipag-utos ni P-Duterte sa PNP ang pagpapatigil sa mga legal na pasugalan ng PCSO ay umaksiyon din si Brig. Gen. Eliseo Cruz, director ng Southern Police District Office (SPDO), sa pamamagitan ng pagpapaaresto sa mga sangkot sa illegal gambling sa kanyang jurisdiction.
Ang masaklap, walang ganyang aksiyon si Gen. Cruz at sa halip, ang napapabalita ay may ilang pulis-SPDO ang tumatayong protektor pa ng mga illegal gambling sa southern part ng Metro Manila, boom!
◘◘◘
CIDG-NCR-SOUTH FIELD OFFICE, IPINANGHIHINGI NG ‘TONGPATS’—May mga “tongpats collector” din daw ang gumagamit sa tanggapan ni PNP-CIDG-NCR South Field Office Chief Maj. Joey Caise para makapanghingi rin ng “tongpats” sa mga iligalista sa southern part ng Metro Manila.
Kung walang kinalaman si Maj. Caise sa “tongpats collection” gamit ang kanyang tanggapan, dapat ipatokhang na niya ang mga “tongpats collector” sa kanyang jurisdiction, period!





Comments