Mali-maling mga libro na ipinamahagi sa mga estudyante, talupan!


Kulang-kulang ang impormasyon, hindi nakasunod sa curriculum, mababa ang kalidad ng papel at paulit-ulit ang paksa.
Ilan lamang ito sa mga napuna sa mga textbook na ipinamahagi sa mga estudyante.
Kaya nais ng gobyerno sa pangunguna ng Commission on Audit (COA) na ipaliwanag ito ng Department of Education (DepEd).
Kinuwestiyon ang pagbili ng halos P250 milyong halaga ng mga libro na maraming mali at ipinagamit sa mga public school.
Bukod dito, napansin din na hindi agad na-distribute ang mahigit P113 milyong halaga ng learning materials na ginawang buffer stock noong 2014 hanggang 2017.
Palagi nating naririnig na walang budget pero, bakit may mga nasasayang na pondo?
Halos wala itong ipinagkaiba sa mga gamot na kamakailan ay nabulgar na nakatambak lang sa bodega, malapit nang ma-expired at ‘yung iba hindi na rin talaga mapakinabangan.
Kung lahat ng ahensiya ng gobyerno ay may ganitong isyu, ilang milyon o bilyong piso kaya na dapat sana ay napakinabangan ang nabulok na lang? Next year, P4.1 trillion ang budget proposal at malaking bahagi nito ay inaasahang mapupunta sa edukasyon at kalusugan. Kung ganito ang mga kaganapan, paano na lang?
Todo-asa, lalo na ang mahihirap na may siguradong tulong mula sa gobyerno, eh, palpak naman ang mga humahawak! Masarap pakinggan na may budget, ang tanong, nasaan?
Kaya sana, bago pa man sumayad sa palad ng mga kinauukulan ang panibagong budget, magkaalaman muna kung nasaan ang problema. Nasa proseso ba o nasa mismong namamahala?
Baka kailangan nang magpalit ng mga tao sa gobyerno, ‘yung tunay na maglilingkod sa publiko.





Comments