Seguridad ng kabataan sa mga dormitoryo sa kamaynilaan, iprayoridad!

KAMAKAILAN, ipinag-utos nating inspeksiyunin at mahigpit na ipatupad ang building code, fire code pati na ang mga health at sanitary compliance ng napakaraming dormitoryo at boarding house sa Lungsod ng Maynila.
Ito ay hakbang na ating ginagawa hindi lamang dahil may nahuling matandang landlord na palihim palang kinukunan ng video ang mga kawawa at inosenteng nangungupahan sa kanyang apartment, ngunit, dahil napapanahon na rin ito at matagal nang napabayaan. Ito ay napapaloob sa Executive Order No. 25 kung saan inatasan natin ang city administrator na si Felix Espiritu na pangunahan ang pagpapatupad nito.
Ito ay para sa proteksiyon ng mga mag-aaral at para mabigyan ng kapanatagan ang mga magulang na nagpapaaral ng kanilang mga anak sa Lungsod ng Maynila.
Ang komiteng binuo ay gagawa ng report at suhestiyon sa alkalde kung kinakailangang ikansela ang permit ng nasabing mga dormitoryo o paupahan at tuluyan itong ipasara kung hindi sumusunod sa mga alituntunin ng batas.
Tapos na ang maliligayang araw ng napakaraming “Mang Kanor” na patuloy na sinasamantala ang mga kabataan at kababaihan.
Nais din nating manawagan sa mga estudyante, empleyado o sinumang nakaranas ng ganitong sitwasyon na ipaalam agad sa ating tanggapan upang ito ay agad maaksiyunan. Kung may mga nakikita kayong kakaiba o hindi tama, huwag mag-atubiling ipaalam agad sa mga kinauukulan.
Tayo ay patuloy na magmamasid sa mga kaganapan hindi lamang sa mga kalye at kalsada, kundi pati na rin sa inyong mga tahanan. Tungkulin nating pangalagaan ang inyong kapakanan bilang residente ng Lungsod ng Maynila.





Comments