Mga estudyante, nire-recruit na maging rebelde | DILG sa mga magulang: Bantayan ang mga anak ninyo!

NANAWAGAN ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa mga magulang na doblehin ang pagbabantay sa kanilang mga anak.
Ito ay kasunod ng isyu hinggil sa pagre-recruit umano ng maka-kaliwang grupo sa mga paaralan at unibersidad sa bansa kung saan nakababahala dahil marami na ring mga magulang ang humihingi ng tulong sa Senado dahil ang kanilang mga anak ay nawawala.
Gayunman, sa pahayag ni DILG Secretary Eduardo Año, aniya, ginagamit ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang kanilang front organization sa mga paaralan at pinapalitan ng mga ito ang pag-iisip at paniniwala ng mga estudyante para sumapi sa kanilang grupo.
Samantala, alam nating marami sa mga kabataan ngayon ang madaling nauuto, lalo na kung kulang sila sa tamang gabay kung saan posible silang maligaw ng landas at mapasama sa mga taong walang magandang maidudulot sa kanilang buhay.
Dagdag pa rito, ayaw na nating madagdagan pa ang bilang ng mga nawawala kaya bilang paalala sa mga magulang dahil talamak ngayon ang ganitong sitwasyon, tayo na mismo ang gumawa ng paraan para sila ay mailigtas at mailayo sa anumang kapahamakan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments