Halaga na maaaring ma-loan sa SSS, alamin!

Dear SSS,
Magandang araw! Nais kong malaman kung magkano ang maaari kong ma-loan sa SSS? Maraming salamat! — Sarah ng Dumaguete
Sagot
Sayang at hindi mo nabanggit ang Social Security number mo para maberepika natin kung kuwalipikado ka na sa salary loan at kung magkano ang maaari mong mautang sa SSS.
Para sa inyong kaalaman, nakabatay ang halaga ng mauutang sa SSS Salary Loan sa monthly salary credit (MSC) o antas ng suweldo ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan. Sa ngayon, ang MSC na pinagbabatayan para sa salary loan ay mula P1,000 hanggang P16,000. Mas mataas ang MSC, mas malaki ang mauutang sa SSS.
Kinukuwenta ang average ng MSC sa huling 12 kontribusyon ng miyembro bago ang buwan ng aplikasyon sa SSS Salary Loan at ito ay ira-round off sa sumunod na mas mataas na MSC. Halimbawa, ang lumabas na average ng MSC sa huling 12 kontribusyon ng miyembro ay P15, 375. Ito ay ira-round off sa P15,500 sapagkat ito ang sumunod na mas mataas na MSC sa P15,375.
Para sa nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwang kontribusyon, makatatanggap sila ng halaga na katumbas ng kanilang average monthly salary credit o ang average ng MSC sa huling 12 kontribusyon ng miyembro.
Samantala, sa mga miyembro na nakapaghulog ng 72 buwanang kontribusyon pataas, makatatanggap sila ng pautang na katumbas sa doble ng kanilang average monthly salary credit sa huling 12 kontribusyon ng miyembro.
Halimbawa, ang miyembro na nakapaghulog ng 80 buwanang kontribusyon at kumikita ng P14,250 kada buwan mula Agosto 2018 hanggang Disyembre 2018, ang nakasasaklaw na MSC mula Agosto, 2018 hanggang Disyembre, 2018 ay P14,500. Subalit, pagtuntong ng Enero, 2019, siya ay na-promote at umangat ang kanyang kita sa P15,800 kada buwan. Dahil dito, ang kanyang MSC mula Enero 2019 ay umangat at naging P16,000. Kung siya ay magpa-file ng salary loan application ngayong Agosto, 2019, kukuwentahin ang average MSC niya mula Agosto, 2018 hanggang Hulyo, 2019. Ang makukuha nating average MSC ay P15,375 subalit ira-round off ito sa P15,500.
Dahil nakapaghulog siya ng mahigit sa 72 buwanang kontribusyon, ang halaga ng kanyang mauutang ay katumbas ng doble ng kanyang average MSC o P15,500 times 2. Kaya ang kanyang mauutang sa SSS ay P31,000.
Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.
◘◘◘
Nais nating ipaalala sa mga employers na ang Contributions Condonation Penalty Program naman ay bukas hanggang ika-1 ng Setyembre, 2019 lamang. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga delingkuwenteng employers na bayaran ang mga hindi nabayarang kontribusyon ng kanilang mga empleyado nang walang multa.
Samantala, nananatiling bukas ang SSS Pension Loan Program para sa mga retiree pensioners upang matugunan ang panandaliang pangangailangang-pampinansiyal. Inaanyayahan namin ang aming mga pensiyunado na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.
Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL





Comments