PCUP, handang tumulong sa mga informal settler na gustong magkaroon ng sariling bahay at lupa
- BULGAR

- Aug 12, 2019
- 2 min read

BILANG komisyon para sa mahihirap, ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ay tumutulong na magbigay ng pangmatagalang solusyon sa mga isyu na talamak sa kanilang komunidad tulad ng kasiguraduhan sa paninirahan.
Para sa inyong kaalaman, ang PCUP ay mayroong tinatawag na social preparation kung saan ihahanda natin ang komunidad bago pumasok sa mga programa ng pamahalaan.
Tanong: Sir Alvin, ano ba ang ibig sabihin ng CMP? Sa project daw na ‘yun nagkaroon ng lupa ang kapatid ko. Dapat ide-demolish na raw sila kasi kinasuhan sila ng may-ari ng lupa, tapos tinulungan daw sila ng inyong ahensiya. Maraming salamat!
Sagot
Ang programa ng Social Housing Finance Corporation (SHFC) na Community Mortgage Program (CMP) ay programang pautang ng gobyerno na layuning tulungan ang mga lehitimong samahan ng mga informal settler na magkaroon ng sariling lupa o bahay.
Kung wala pang samahan sa inyong lugar, maaari kayong tulungan ng PCUP na iorganisa ang inyong komunidad upang bumuo ng asosasyon o kooperatiba.
Sa kaso ng iyong kapatid, nagrekomenda ang PCUP sa may-ari ng lupa na ipasok na lamang sa CMP ang kanilang komunidad. Nagpapasalamat na lang tayo at tumugon ang may-ari ng lupa kaya mabibili nila ang lupa.
Bago sila tuluyang sumailalim sa CMP, binigyan muna natin sila ng kahandaan o social preparation para maayos ang kanilang pagpasok sa programa ng pamahalaan.
Para masimulan ang proyekto, dapat masiguro munang mayroong “intent to sell” o kasulatang magpapatunay na ibebenta ng may-ari ang lupa sa inyong samahan at “intent to buy” o kasulatang magpapatunay na bibilhin ninyo ang lupa. Kung naisaayos na ito, tutulungan tayo ng mga CMP Mobilizer para sa mga dokumentong kakailanganin sa SHFC.
Hindi ka maaaring maging benepisyaryo ng programa kung ikaw ay (1) nakapag-apply sa anumang housing loan ng GSIS, SSS o HDMF o may sariling bahay; (2) naging benepisaryo ka na ng housing project ng pamahalaan at (3) kabilang ka sa professional squatter.
Kung kayo ay mayroong katanungan, suhestiyon o ihihingi ng tulong, maaari kayong magtungo o sumulat sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City o mag-email sa pcup.media2019@gmail.com o mag-message sa ating Facebook page na @PCUPOfficial.





Comments