ISIS aatake sa Luzon | MGA SIMBAHAN, TARGET

HINIGPITAN na ng Philippine National Police (PNP) ang pag-alerto ng puwersa nito sa mga lalawigan sa Luzon, partikular na sa Pangasinan at Ilocos Norte dahil umano sa banta ng terorismo.
Itinaas ang full alert ng pulisya sa Luzon at nagpatupad na ng dobleng pagbabantay sa mga malalaking simbahan sa Luzon sa harap ng impormasyong target ito ng mga teroristang miyembro ng Islamic State of Iraq and Syria (ISIS).
Inamin ni Police Colonel Redrico Maranan, ang Provincial Police Director ng Pangasinan, na may mga natanggap silang impormasyon tungkol sa panggugulo ng ilang grupo kaya minarapat nilang paigtingin ang seguridad. Isa sa pinakamalaki at malimit na bisitahin na simbahan sa Pangasinan ay ang Minor Basilica of Our Lady of Manaoag.
May mga pulis, sundalo, K-9 units at explosive ordnance disposal unit ang regular na rumoronda sa simbahan upang matiyak ang kaligtasan ng mga deboto. Sa kabila ng sinasabing banta, dumagsa pa rin ang mga deboto, kahapon.
Samantala, hinigpitan din ang seguridad sa Laoag City kung saan pangunahing binabantayan ang St. William Cathedral.
“Lagi naman nating ginagawa ito. May visibility tayo hindi lamang sa Simbahan kundi sa palengke na madami ring tao. Nagkataon lang na nitong mga nakaraang araw dinagdagan lang natin ang preparation natin para sa safety ng public,” pahayag ni Police Major Adriano Licudan, deputy chief ng Laoag City Police.
Bagama’t, nakaalerto ang mga awtoridad, umapela ang PNP sa publiko na manatiling nakamatyag at agad ipabatid ang mapapansing kahina-hinalang bagay o tao.
Nauna nang kumalat sa social media ang isang alert memorandum kung saan nakasaad na may banta ng pag-atake ang ISIS sa mga Lungsod ng Laoag, Vigan at Tuguegarao, gayundin sa bayan ng Manaoag sa Pangasinan.





Comments