Vaginal spray, sabon, fabric conditioner, atbp., dahilan ng pangangati ng ari ng babae
- BULGAR

- Aug 11, 2019
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
Ako ay 32 years old, may dalawang anak at kahihiwalay lang namin ng asawa ko dahil babaero ito. Ang problema, nitong mga nakaraang araw, nakaranas ako ng pangangati ng ari at nagkakaroon din ako ng discharge na kulay puti, pero walang amoy. Nangangamba akong baka may sakit ang ex-husband ko at nahawahan niya ako. Ano kaya ito at ano ang dapat na gamot para rito? — Janine
Sagot
Ayon sa description mo, maaaring ‘yan ay isang uri ng vaginitis. Ang vaginitis ay tumutukoy sa anumang uri ng impeksiyon o pamamaga ng ari ng babae. Ang ilan sa sintomas nito ay pangangati, pagkairita at hindi karaniwang vaginal discharge.
Narito ang ilang uri at sanhi nito:
Impeksiyon dulot ng yeast. Ito ay nangyayari kapag ang paligid ng ari ay nagkaroon ng ilang pagbabago tulad ng pagkakaroon ng candida albicans.
Bacterial vaginosis. Ito ang karaniwang vaginal infection na resulta ng mga organismong kalimitang natatagpuan sa ari.
Trichomoniasis. Ito ay sexually transmitted disease (STD) na sanhi ng selyulang parasito na tinatawag na trichomonas vaginalis na karaniwang naililipat sa pamamagitan ng pakikipagtalik.
Vaginal atrophy (atrophic vaginitis). Ito ay resulta sa pagbaba ng antas ng estrogen matapos mag-menopause.
Non-infectious vaginitis. Ito ay karaniwang sanhi ng allergy o iritasyon mula sa vaginal sprays, douches, spermicidal products, sabong panligo, sabong panlaba o fabric softeners.
Paggamot:
Ang paggamot ay depende sa uri ng vaginitis.
Ang yeast infections ay karaniwang ginagamot gamit ang anti-yeast cream o suppository na ipinapasok sa ari.
Ang bacterial vaginosis ay ginagamot sa pamamagitan ng antibiotic na inireseta ng doktor. Inaalis nito ang bad bacteria (anaerobes) at iniiwan ang good bacteria (lactobacilli).
Ang mga uring naililipat sa pamamagitan ng pagtatalik ay kailangang gamutin agad. Mahalagang iwasan ang pakikipagtalik hanggang sa gumaling upang maiwasan ang pagkalat ng impeksiyon. Ang trichomoniasis at chlamydia ay parehong nagagamot ng antibiotics, gayundin ang genital herpes at human-papillomavirus (HPV).
Ang non-infectious vaginitis ay maaaring magamot kapag itinigil ang paggamit ng mga produkto na nagdudulot ng allergic reaction o iritasyon. Ang doktor ay maaaring magreseta ng krema upang tulungang mabawasan ang mga sintomas hanggang sa mawala ang allergy.
Gayunman, ang ilan sa mga uri ng vaginitis ay walang sintomas kaya mahalagang magkaroon ng regular na konsultasyon sa doktor.




Comments