Pulis na nanutok ng shotgun, sinibak, buti nga!

DAPAT TULUYAN NANG IBASURA NG COMELEC ANG NOMINASYON NI CARDEMA SA DUTERTE YOUTH PARTYLIST— Matapos ibasura ng Comelec ang nominasyon ni ex-National Youth Commission (NYC) Chairman Ronald Cardema dahil overaged na ito ay nagsumite ng panibagong listahan ng mga nominado ang partylist at dito nakasaad ulit ang pangalan ni Cardema bilang 1st nominee ng youth partylist.
Sa isyung ito, hindi na dapat pang baguhin ng Comelec ang desisyon nilang pagbasura sa nominasyon ni Cardema dahil kapag pinaboran nila ito, malamang kay P-Duterte ito mag-boomerang kasi tiyak na iisipin ng publiko na ginamit ng Malacañang ang kanilang power para maging kongresista ang dating NYC chairman, period!
◘◘◘
MAY KASONG ESTAFA NA SI ‘BIKOY’, HUMIHIRIT PA NA MAPASAILALIM SA WPP — Humihirit ang ex-convict na si Peter Joemel “Bikoy” Advincula, testigo sa sedition case laban sa grupo ng oposisyon sa pamumuno ni Vice-Pres. Leni Robredo na isailalim siya sa Witness Protection Program (WPP) ng Department of Justice (DOJ) dahil may banta raw sa kanyang buhay.
Sa totoo lang, sa rami ng in-estafa ni Advincula, marami talaga ang magbabanta sa kanyang buhay, boom!
◘◘◘
SIBAK ANG INABOT KAY MAJ. GEN. ELEAZAR NG HAMBOG NA PARAK — Sinibak na ni NCRPO Director Maj. Gen. Guillermo Eleazar si M/Sgt. Wilson Aquino ng Quezon City Police dahil sa ginawa nitong panunutok ng shotgun sa motorista sa Commonwealth Ave., Quezon City noong Hulyo 28, 2019 na kamakailan lang ay nag-viral sa social media.
Mantakin n’yo, ang pulis na dapat nagpoprotekta sa mamamayan ay sa kaunting gitgitan lang sa trapiko, nanutok na agad ng shotgun?
Dahil d’yan, sibak ang inabot ng hambog na pulis kay Gen. Eleazar, period!
◘◘◘
VK NI “BONG SOLA”, NAMAMAYAGPAG SA ANTIPOLO CITY AT CAINTA, RIZAL — Patuloy daw na namamayagpag ang raket na video karera ni “Bong Sola” sa Antipolo City at Cainta, Rizal.
Tingnan natin kung kayang “ipatokhang” ng bagong Rizal PNP Director na si Col. Renato Alba ang manraraket na si “Bong Sola”, abangan!





Comments