COLORADO, NILEKSIYUNAN ANG BALANGA SA FIBA 3X3

MAAGANG nagwakas ang kampanya ng Balanga Chooks sa FIBA 3X3 Bucharest Challenger sa ParkLake Shopping Center, Sabado ng hapon sa Pilipinas. Tumanggap ng masaklap na pagkatalo ang pambato ng Pilipinas sa Colorado City ng Estados Unidos sa qualifying round, 18-19, at walang magawa kundi manood habang winalis ng mga Amerikano ang Korolev ng Russia, 21-11, upang tumuloy sa main draw ng torneo sa Bucharest, Romania. Sa harap ng isang pulutong ng mga Pinoy na nanood, maganda ang simula ng Balanga kontra sa Colorado City at nagawa pang lumamang, 14-13, pagkatapos ng dos ni Chris Dechavez. Subalit, mabigat talaga ang kalaban na puro mga beterano ng NBA G-League sa pangunguna ni Canyon Barry, anak ng alamat ng NBA na si Rick Barry.
Binuhay ni Barry ang Colorado sa pamamagitan ng dalawang free throws na kopyang-kopya ang pailalim na tira ng ama at lumamang ng tuluyan, 17-15. Sinubukang lumapit ng Balanga sa likod nina Karl Dehesa at Lamar Roberson ngunit, kinapos nang magmintis ang dos ni Dehesa na maaaring magpapanalo sana. Kahit wala nang pagkakataong umabante, ibinuhos ng Balanga ang sama ng loob nila sa Korolev, 21-19, upang magtapos sa ika-13 na puwesto sa 16 koponan. Umabante agad ang Balanga, 10-3, pero hindi nagpatinag ang mga Russo at humabol sa pamamagitan ng pagpapaulan ng mga dos, 19-20, bago tinapos ni Travis Franklin ang laro sa free throw na may 2:18 nalalabi sa orasan.





Comments