WEIGHTLIFTER DIAZ, MAY P2-M CASH INCENTIVE

PANIBAGONG pinansiyal na tulong ang bubuhat sa mga pangarap ni Rio Olympics Silver medalist Hidilyn Diaz matapos makatanggap ng cash incentive mula sa isang pribadong kumpanya.
Nagkakahalaga ng P2-M ang tinanggap na tulong ni Diaz mula sa Phoenix Petroleum, kamakalawa sa Malacañang upang tustusan ang kanyang training at mapaigting pa ang kampanya para sa 2020 Tokyo Olympics.
“Very thankful sa ibinigay na tulong sa akin. Malaking bagay ang suportang ito para mas lalo ko pang mapaghandaan ‘yung mga competition na darating before Olympics. Alam kong hindi magiging madali ito, pero mas pagbubutihan ko pa,” wika ng 28-anyos na tubong-Zamboanga.
Kaharap sa sponsorship agreement sina Executive Secretary Salvador Medialdea, Senate Committee on Sports Chairman Sen. Christopher “Bong” Go, Southeast Asian Games (SEAG) Chef De Mission at PSC Chairman William “Butch” Ramirez, Phoenix Vice President Atty. Raymond Zorilla at Phoenix owner at Presidential Adviser for Sports Dennis Uy.
Matatandaang nagbulalas ng kanyang hinaing ang 2018 Asian Games gold medalist sa social media dahil sa kakulangan ng suportang pinansiyal sa kanyang paghahanda para sa Tokyo Olympics.
Ayon kay Ramirez, hindi naman nagkulang ang ahensiya ng palakasan sa pagtulong sa mga international training at competition ni Diaz, maging ang dalawang request na training sa China.





Comments