Gov’t. agencies, anti-red tape at performance target ang dapat ipakita bago bigyan ng budget
- BULGAR

- Aug 10, 2019
- 2 min read
BILANG bagong talagang chairman ng Senate Committee on Finance, pangungunahan natin ang pagdinig sa 2020 National Budget at titiyakin nating maaprubahan ito bago matapos ang taon.
Ito ‘yung mga panahong kaunting oras na lang ang itutulog at ipapahinga natin dahil magdamag na hearing ang gugugulin natin sa National Budget.
Hindi biro ‘yan dahil P4.1 trilyon ang pag-uusapan natin dito.
Ayaw na nating maulit ang nangyari noong 2019 National Budget na napagtibay lang, apat na buwan na ang nakalilipas sa kasalukuyang taon.
Sisikapin nating hindi mangyayari ulit ‘yun dahil maliban sa apektado ang ekonomiya, lalong apektado ang mga kababayan nating nangangailangan ng tulong ng gobyerno tulad ng 4Ps beneficiaries.
Nagpahayag ang Kamara na sa unang linggo ng Oktubre, sisikapin nilang tapusin ang pagbusisi sa National Budget, maaaprubahan ang General Appropriations Bill (GAB) at dadalhin sa Senado bago matapos ang Oktubre o sa unang linggo ng Nobyembre.
Para mas mabilis, habang dinidinig ang GAB, tayo sa Upper House, rerepasuhin natin ang budget proposals ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
Pero, gusto muna nating tawagan ng pansin ang iba’t ibang government agencies na bago sila dumalo sa budget hearings, dapat ihanda at ilatag nila sa komite ang kani-kanilang anti-red tape performance and targets.
Gusto nating mabusisi kung paano nila ipinatutupad ang “ease of doing business” o EODB dahil dito natin malalaman kung nagagawa nila nang mahusay ang kanilang trabaho.
Mahigpit nating ipatutupad ito sa budget hearings dahil isa ito sa mga basehan kung dapat aprubahan ang mga panukalang budget ng bawat sangay ng gobyerno.
May ilang ahensiya na aatasan nating bitbitin ang kanilang “before and after” timetable na naglalahad sa kung paano sumailalim sa kanilang proseso ang requested documents ng kanilang mga kliyente at kung gaano katagal bago ito ini-release sa requesting parties.
Paraan natin ito para matiyak na ipinatutupad ng concerned government agencies ang anti-red tape program.
Sa ganitong paraan, iiksi na ang oras ng paghihintay sa requested documents, hindi pa tambak na dokumento ang kakailanganin.
Hindi kailangan kung anu-anong dokumento ang hinihingi sa ating mga kababayan.
Narito tayo sa public service hindi para pahirapan ang ating mga kababayan kundi para tulungan sila sa kanilang mga pangangailangan.
Isa tayo sa mga may-akda ng RA 11032 o EODB. Sa ilalim ng batas na ito, mahigpit na ipinatutupad ang “3-7-20”.
Ibig sabihin, may tatlong araw na ultimatum ang ahensiya na tapusin at i-release sa kanilang mga kliyente ang pinakasimpleng dokumento sa loob ng tatlong araw; pitong araw naman sa mas kumplikadong papeles at 20 araw sa pinakamasalimuot na dokumento.
Liban d’yan, isa rin tayo sa may-akda ng RA9485 o Anti-Red Tape Act. Ito ‘yung nagpapatupad ng ‘no noon break’.
Ibig sabihin, hindi dapat mawalan ng empleyado ang government desk kahit oras ng pananghalian.
Walang siyesta, bawal ‘yan; ‘yan ang batas kontra fixers; nag-aatas sa government employees sa pagsusuot ng malinaw na ID at mahigpit na pagpapatupad sa citizen’s charter.





Comments