WALANG IBEBENTANG RMSC SPORTS HUB NG MAYNILA, MALINAW ‘YAN!

MANANATILING pagmamay-ari ng Lungsod ng Maynila at pangangalaga ng Philippine Sports Commisison (PSC) ang Rizal Memorial Sports Complex. Ito ay matapos magkasundo sina Manila Mayor Isko Moreno at PSC chairman William “Butch” Ramirez na hindi na ibebenta ang 85-anyos na sports hub ng ahensya at ng maraming atletang pambansa noong Miyerkules sa Manila City Hall.
“Nagkasundo si Mayor (Moreno) at chairman (Ramirez) na hindi na ibebenta ang lupa kung saan nakatayo ang Rizal Sports Complex,” pahayag ni PSC commissioner Charles Raymond Maxey sa panayam dito sa social media. Matatandaang sa termino ni noo’y Mayor Joseph Estrada, inamin niyang ibinebenta niya ang lupaing sumasakop sa RMSC sa isang pribadong kumpanya upang gawing mall. Naging kontrobersyal ang pahayag na ito ng dating Pangulo ng bansa at umani ng batikos lalo na sa social media, maging ng ilang historical society.
Sa nalalapit na Southeast Asian Games (SEAG) sa bansa na magbubukas simula Nobyembre 30-Disyembre 11, inilagay sa rehabilitasyon ang sports complex ngayong taon para pagganapan ng ilang sports event sa biennial meet na inaasahang matatapos ngayong Oktubre.
Gaganapin sa 10-ektaryang lupain ang weightlifting at taekwondo events sa Ninoy Aquino Stadium, ang football sa Rizal Memorial Stadium, squash sa Rizal Memorial Sports Complex, ang tennis at soft tennis sa Tennis Center at gymnastics (aerobic, rhythmic, artistic) sa Rizal Memorial Coliseum. Ang rehabilitasyon ng RMSC, kabilang ang Philsports Arena sa Pasig ay pinondohan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na nagkakahalaga ng P842-million.
Samantala, muling nanawagan ng pagkakaisa si Committee on Sports Chairman Senator Christopher Lawrence “Bong” Go sa lahat ng ahensiyang pampalakasan at national Olympic body para sa nalalapit na pagbubukas ng 2019 Southeast Asian Games. “Magkaisa na tayo bilang bansa at bilang Pilipino,” pahayag ni Go noong Martes sa isang organizational meeting na ginanap sa Senado sa Pasay City.





Comments