MALINIS NA KARTADA NG BLAZERS, IPINUSTA VS. JRU

ITATAYA muli ng Saint Benilde ang perpektong kartadang 4-0 sa pagbabalik ng 95th National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa FilOil Flying V Centre ngayong Biyernes. Haharapin ng Blazers ang Jose Rizal U simula alas-2:00 ng hapon at susundan ng San Sebastian College at Emilio Aguinaldo College ng 4:00 p.m.
Huling naglaro ang Blazers noong Hulyo 30 kontra Mapua at biglang nagkaroon sila ng siyam na araw na bakasyon dahil pinagpaliban ang dalawa nilang laro noong Biyernes at Martes dahil sa masamang panahon. Aasahan ni Coach Tyrone Tang ang husay nina Jimboy Pasturan, Clement Leutcheu at Yankie Haruna habang pag-aaralan pa nila kung paglalaruin si Justin Gutang na napilayan laban sa Cardinals.
Naghihintay sa Blazers ang umiinit na koponan ng Heavy Bombers na wagi sa tatlo ng kanilang huling apat na laro matapos mahulog sa una nilang tatlong laro ng taon. Malaking bagay sa pag-angat ng JRU ni Coach Louie Gonzalez sina John Anthony Amores, Ry Dela Rosa, Chester Jungco, Agem Miranda at JL Delos Santos.
Samantala, malaking bagay para sa San Sebastian ang pagkawala ni Coach Edgar Macaraya dahil pinatawan siya ng isang larong suspensiyon matapos marinig sa TV na inutusan niya ang kanyang manlalaro na hampasin ang kamay ni Mike Harry Nzeusseu ng Lyceum noong Hulyo 23. Kailangan ngayong magdoble-trabaho nina Allyn Bulanadi, RK Ilagan, Aljon Capobres at JM Calma para itaas ang kartada nilang 2-3 panalo-talo.





Comments