Urung-sulong at pabalik-balik na batas, sintomas ng palyadong gobyerno

PAYAGAN nang ibalik ang Dengvaxia! Ibalik muli ang bitay! Itigil ang “visa upon arrival” upang pigilan ang pagdagsa ng mga banyagang manggagawa! Panahon na para ideklara ang Martial Law sa Negros Oriental!
Ano ang mangyayari sa tila urung-sulong o pabalik-balik na pagtugon ng pamahalaan sa samu’t saring problema? Dahil dito, marami nang nagtatanong, saan ba papunta ang ating bansa?
Napakaraming kailangang pagtuunan ng pansin kaysa sa mga nilikhang kontrobersiya na naglalayo ng atensiyon o problemang dapat bigyan ng pagpapahalaga. Kapag nanood tayo ng balita, hindi mawawala ang mga balita tungkol sa iligal na droga. Kunsabagay, tapat ang media sa sinabi ng pangulo tungkol sa kanyang pangunahing suliranin, ang iligal na droga. Dahil sa rami ng problema na pinapatulan at pinalalaki, lalong naging kumplikado ang puno’t dulo ng mga ito.
Noong Linggo, ika-4 ng Agosto ay ang Pista ng Santong Juan Marie Vianney, ang patron ng mga paring sekular o diyosesano. Ang hamon ng kapistahang ito, hahanaping muli ang kabanalan. Buo o ganap ang mga banal sa kabila ng kanilang kapayakan. Karamihan sa kanila ay walang kayamanan. Iba ang kanilang kayamanan, wala ito sa bulsa kundi matatagpuan sa kanilang puso, diwa at kaluluwa. Kailangang tingnan sa ganitong paraan ang kabanalan sa kasalukuyang panahon.
Hindi nahahati ang kalooban ng mga banal. Hindi natitinag ang pagtuon ng mga ito sa mukha at kalooban ng Diyos. Ito ang tinatawag na “Beatific Vision” o kakayahang makita at manatiling nakatingin sa mukha ng Diyos.
Kung hindi sa Diyos nakatuon ang mga mata, puso, diwa at kalooban ninuman, tiyak na mahuhumaling ang mga ito sa mga mistulang “diyus-diyosan”. Natural, para sa mga nagpapanggap na “diyos” ang magpabagu-bago, umurung-sulong, magpabalik-balik at tumingin kung saan-saan at kung kani-kanino. Ganito ang ‘sintomas’ ng katawang mahina at hindi marunong sumala sa dumi mula sa hangin at iba pang pinagmumulan nito.
Ano kaya ang “tamang bakuna” sa palyadong gobyerno, baka panahon na para alamin ng mga namumuno ang tunay na kabanalan na hindi sa tao nagmumula kundi sa Diyos?





Comments