FIL-JAP GOLFER SASO, MAY LABAN PA SA U.S. AMATEUR

NAISALBA ng dalagitang Fil-Japanese na si Yuka Saso ang isang even par na kartadang 72 sa huling araw ng eliminations para maalwang makausad sa knockout round ng 2019 U.S. Amateur Golf Championship sa par 72 at 6,547 yardang golf course sa Old Wavery Golf Club sa Mississippi. Kagaya noong opening round, tila nakasakay sa rollercoaster ang resulta ng mga palo ng 18-anyos na Youth Olympic Games silver medalist. Limang birdies ang naitakas niya pero binangungot siya ng tatlong bogeys at isang masaklap na double bogeys kaya isang even par lang ang nairehistro niya sa prestihiyosong tunggalian.
Noong round 1, apat na birdies pero isang bogey at isang double bogey ang nagpabagal sa kampeon ng Jr. PGA Championship papunta sa isang one-under-par 71.
Pero ang pinagsamang 71-72 na rekord ni Saso, pang-20 sa pinakamalupit na amateur lady golfer sa buong mundo ay sapat na para makapasok sa dikdikang bahagi ng kompetisyon bilang 17th seed.
Unang katunggali ni Saso, pangunahing pag-asa ng Pilipinas sa nalalapit na SEA Games kung saan punong-abala ang bansa, sa knockout round na tinatawag ring “match play” ang USA hopeful na si Kaitlyn Papp na ranked 46th sa mga qualifiers. Sa kasaysayan ng torneo, may dalawang dekada nang walang kinatawan ang Pilipinas sa trono. Taong 1999 pa nang manalo ang Pinay na si Dorothy Delasin dito.





Comments