top of page
Pokwang.jpg

Batang maagang natuto sa negosyo, mas maganda ang future

Writer: BULGAR
BULGAR
Aug 8, 2019
3 min read

PINANINIWALAAN ng nakararami na ang pagiging entreprenyur o negosyante ang daan sa pag-unlad sa buhay.

Kaya naman, palaging pinaaalalahanan ang ating mga kabataan na huwag matakot makipag­sapalaran at sumubok ng mga bagay-bagay na makapagpapaangat sa kanilang pamumuhay.

Sa pagnenegosyo kasi, aktibo nilang binu­buo ang kanilang mga pangarap at nag­sisilbing direktor ng kanilang buhay – sila ang kanilang sariling amo, walang sinusunod na oras ng iba at hawak ang mga desisyon para sa sariling ha­napbuhay.

Sila ang mga indibidwal sa likod ng maim­pluwensiyang lipunan na nagdudulot ng tagum­pay upang maihatid ang produkto o serbisyo sa publiko sa tamang panahon, lugar, pamilihan at maibenta sa tamang halaga.

Higit sa lahat, sa trabahong ito ay walang pi­nipiling edad pagdating sa pagkatuto at kara­nasan.

Bata pa lamang ay nabibigyan na ng magandang oportunidad ang mga mag-aaral na masanay at mahubog sa entrepreneurship o pagnenegosyo.

Sa pamamagitan ng paggawa ng mga class project tulad ng paghahanda ng pizza, biskwit, pagdidisenyo ng cake o kaya ay paggawa ng bracelet, nahahamon ang pagiging malikhain at madiskarte ng mga estudyante na siyang ma­katutulong sa kanilang paglaki.

Kasama sa kurikulum ng mga elementary student ang pangangasiwa ng negosyo kung saan ginagabayan sila ng kanilang guro sa mga pasikut-sikot nito.

Kabilang dito ay dapat pamilyar sila sa mga produktong ibinebenta, tinitiyak na maayos ang presentasyon at kalagayan ng mga ipinagbibili at dapat marunong silang magbigay ng tamang sukli at magkuwenta ng binili.

Sa senior high school naman ay itinuturo ang paksang Accountancy Business and Ma­nage­ment.

Dito, lalawak ang kanilang karanasan sa pag­sa­sagawa ng recording, costing, analyzing, in­ter­­pre­tasyon ng mga numero at iba pang pangu­nahing kaalaman tungkol sa pagnenegosyo.

Naniniwala tayo na lahat ng kanilang mga natututunan at nararanasan sa kanilang pagdis­kubre sa entrepreneurship sa loob ng klasrum ay may makabuluhang epekto pagkatapos ng kanilang edukasyon.

Isang magandang bunga nito ang mabilis na pagkatanggap sa trabaho o kaya, kung nais pa nilang palawakin ang natutunan sa K to 12 kurikulum, kukuha sila ng kurso sa kole­hiyong may espesyalisasyon sa business ma­nagement o entrepreneurship dahil labis na nilang naka­hiligan at naengganyo na sila sa pag­tatayo ng negosyo dala ng mabuting naidu­dulot nito.

Para sa kapakanan ng mga kabataang mag-aaral, kaisa tayo sa adhikaing ito. Isa sa ating inihain sa Senado ay ang Senate Bill No. 1355 o Philippine Innovation Act na kamakailan ay pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte bi­lang batas na pinamagatang Republic Act No. 11293.

Binuo ito ng mga mambabatas sa Senado upang masuportahan at lalong mapalakas ang mga micro, small and medium enterprise (MS­ME) sa ating bansa at sa buong mundo.

Base sa ating pag-aaral, 99.6 porsiyento ng mga negosyo sa Pilipinas ay parte ng MSMEs. Dito pa lamang ay hindi na kaila ang papel ng inobasyon sa magagandang potensiyal na hina­harap ng ating bansa.

Sa pamamagitan ng batas, magkakaroon ng kompetisyong pandaigdig ang mga MSME at hindi lamang malalaking kumpanya ang may kakayahang magtagumpay sa kanilang mga ne­gosyo.

Pagdating ng tamang panahon na maaari na silang magnegosyo, umaasa tayo na magi­ging aktibo ang mga kabataan sa pagtatayo ng kani-kanilang MSMEs.

Dahil labis na malaki ang papel na kanilang ginagampanan sa pagkakaroon ng epektibo at makapangyarihang sistema ng inobasyon para sa ating ekonomiya, ang kanilang malikhain at determinadong sarili ay lubos na hinihikayat na maging parte ng rebolusyunaryong repor­mang ito.

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page