358 bagong pulis
- Gina Pleñago
- Aug 8, 2019
- 1 min read

NAGTAPOS sa training ang 358 bagong miyembro ng Philippine National Police (PNP) kung saan naging masigasig ang mga ito sa kanilang pagsasanay sa National Capital Region Police Office (NCRPO), Camp Bagong Diwa, Bicutan sa Taguig City.
Alas-2:00 ng hapon nang tanggapin ng mga bagong miyembro ng PNP ang kanilang sertipiko at medalya sa graduation ceremony ng Public Safety Basic Recruit Course “Alab Masiklab” Class 2019-01 sa NCRPO Grandstand.
Ayon kay Lt. Col. Nelvin Ricohermoso, sa susunod na taon pa ide-deploy ang nasabing 358 pulis sa iba’t ibang himpilan ng pulisya sa buong Metro Manila.
Ayon sa opisyal, napakahalaga ng unang 45-araw na pagsasanay ng mga ito na bahagi ng kanilang anim na buwang training kung saan mismong ang mga miyembro ng PNP Special Action Force (SAF) ang nagsanay sa kanila sa loob ng kampo.
Magsisimula na rin silang tumanggap ng suweldo kada buwan habang sariling gastos ng mga ito ang kanilang training.
Bilang guest speaker sa seremonya na si Lt. Gen. Archie Francisco Gamboa, isa sa matunog na susunod umanong PNP chief, nagkaloob siya ng P200,000 cash na paghahatian ng mga awardee habang P100,000 naman sa training center.





Comments