Mga Pinoy, limot na ang halaga ng demokrasya
- BULGAR

- Aug 7, 2019
- 2 min read
HINDI natin malilimutan ang araw na ‘yun, ika-1 ng Agosto, 2009. Pauwi tayo galing ng Hong Kong matapos ang tatlong taong paglilingkod bilang guro sa China at researcher sa Hong Kong.
Mula sa airport, tumuloy tayo sa Manila Cathedral upang magbigay-galang kay dating Pangulong Corazon Aquino na nakaburol doon. Sampung taon na ang nakalilipas nang mamatay ang itinuturing na isa sa mga simbolo ng demokrasya sa buong mundo (Icon of Democracy). Tunay na napakahalaga ng papel na ginampanan ni ex-P-Cory nang siya ay naging lider ng ating bansa. Kanyang hinarap ang naturang transisyon mula diktadurya patungong demokrasya.
Matagal ang 21 taong diktadurya ng mga Marcos, nakilala ang kanilang “conjugal dictatorship” o panahon ng mag-asawang diktador. Maraming nakaranas sa madilim at malagim na panahong ito. Sa kabila nito, dumami ang tila hindi nakaaalala sa madilim na panahong ‘yun. Bakit? Sadya bang “makakalimutin o madaling makalimot” ang mga Pinoy? Ito ba ay kahinaan ng ating lahi o mayroon pang ibang dahilan kaya tila nawawala ang mga alaala noong panahon ng diktadurya?
Kapag nakalimutan natin ang PIN ng ating ATM, pupunta tayo sa banko upang humingi ng tulong. Kung nakalimutan natin kung kailan tayo bininyagan, hahanapin natin ang ating baptismal certificate, dokumento kung saan makikita ito. Ngunit, kung nais nating malaman ang tunay na nangyari noong Mayo, 1965 hanggang Pebrero, 1986, saan tayo pupunta? Mayroon bang aklatan, museo o partikular na lugar kung saan inaalagaan ang mga alaala ng Marital Law, ang panahon ng diktadurya ng mga Marcos?
Mayroon, ito ay matatagpuan sa Bantayog ng mga Bayani, sa kanto ng Quezon Boulevard at EDSA. May malaki at mahabang pader kung saan makikita ang maraming pangalan ng mga taong lumaban sa diktadurya, marami sa mga ito ay namatay o pinatay. Marami sa kanila ang lumaban ngunit, nabuhay at sa kanilang pagpanaw, idinagdag ang kanilang pangalan sa pader na nakikilala bilang ‘Wall of Remembrance’.
Gayunman, nakalulungkot na sa kabila ng pagkakaroon ng Bantayog ng mga Bayani, kakaunti lang ang nagpupunta rito. Tila hindi na nagpapadala ang mga paaralan ng mga estudyante upang pag-aralan ang kasaysayan dito.
Nang mamayapa si ex-P-Cory, dumaan tayong muli sa isa pang madilim na panahon. Gayunman, mahalagang buhayin ang mga alaala ng panahon noong diktaduryang Marcos at pagbabalik ng demokrasya. Mahalagang buhayin sa puso ng bawat mamamayan ang apoy ng demokrasya, ang apoy ng kalayaan.





Comments