Divorce sa ‘Pinas, pabor sa mahihirap
- BULGAR

- Aug 7, 2019
- 2 min read
MUKHANG karamihan sa mga mambabatas ay suportado na ang pagsusulong ng divorce o legal na paghihiwalay ng mag-asawa kung mapatutunayan o lumalabas na hindi na sila karapat-dapat magsama.
Ito ay panukalang-batas na matagal nang isinusulong sa Senado at Kamara.
Alam n’yo bang sa buong mundo, ang Pilipinas at Vatican City na lang ang tanging mga bansa na nagbabawal dito?
Ang dahilan, hindi ito sinasang-ayunan ng Simbahang-Katolika. Malakas ang puwersa at sigaw ng mga taga-Simbahan at iba pang konserbatibong sektor para ibasura ang panukala.
Ang nakadidismaya, dahil sa takot ng ibang pulitiko at maging ang mga nakaraang pangulo sa Simbahang-Katolika na hindi sila susuportahan sa panahon ng eleksiyon ay walang naglakas-loob sa kanila na isabatas ito.
Ang nangyari ay celebrity, negosyante at iba pang mayayamang tao lang ang may kakayahang magawa ang “legal na paghihiwalay” sa pamamagitan ng “annulment” sa korte.
Ang kilalang nakagawa nito ay si Kris Aquino, anak ni dating Pangulong Cory Aquino na gustong gawing “santa” ng mga Katoliko.
May iba namang ilang beses mang makapagpa-”annul”, milyun-milyon naman ang nagagastos sapagkat malaki ang sinisingil ng mga abogado sa ganitong kaso dahil sa matagal na proseso nito.
Para sa atin ay kahibangan ang pagbabawal ng divorce. Kapag hindi magkasundo ang mag-asawa, hindi nila kailangang magtiis o manghinayang sa mahabang panahon na kanilang pinagsamahan.
Walang sinuman ang karapat-dapat na manatili sa ‘ika nga nila, “toxic na relasyon”.
Isa pang punto, dahil sa kapusukan, ilan sa mga kabataang babae ang napipilitan lang mag-asawa o magpakasal dahil nabuntis sila.
Eh, kung hindi nila ‘yun mapag-isipang mabuti, hindi ba, dapat payagan silang itama ang pagkakamali at payagan silang mag-divorce?
Nakakaawa ang mga kababaihan dahil marami sa kanila ang biktima ng pananakit at pang-aabuso kung saan gustuhin man nilang mag-asawang muli upang may makatuwang sa buhay lalo na ‘yung hindi gaanong nakapag-aral o walang stable na trabaho ay hindi nila magawa dahil sabihin man na hiwalay na sila ay kasal pa rin sila sa ‘papel’.
Isa pa, kawawa rin ang anak ng babae sa kanyang bagong partner dahil itinuturing ito na hindi lehitimo (illegitimate) sapagkat hindi puwedeng kunin ng bata ang apelyido ng kanyang ama dahil hindi kasal ang kanyang mga magulang.
Pabor sa maraming mahihirap kung papayagan ang divorce kung saan makapag-aasawa silang muli at makakasama nila ang taong tunay nilang gustong makasama sa buhay.
Sa wakas, tila mangyayari na ang pagsasabatas ng divorce dahil sa unang pagkakataon ay nagkaroon ng pangulo ang Pilipinas, si Pangulong Rodrigo Duterte, na hindi takot sa Simbahang-Katolika.





Comments