Dahil sa pera; mister bago nagpakamatay | MISIS AT 2 ANAK PINAGBABARIL SA ULO

ISANG mister ang sinasabing nagpakamatay matapos umanong patayin ang kanyang misis at dalawang anak, kamakalawa sa Parañaque City.
Kinilala ang mga biktima na sina Dianne Cristel De Leon, misis ng suspek at mga anak na sina Margarita Sofia, 14, at Miguel Lorenzo, 9, ng Bgy. San Isidro.
Sinasabing nagbaril naman sa sarili ang suspek na mister na si Manolo Benigno. Sa naantalang ulat ng Southern Police District, alas-2:30 ng hapon nang maganap krimen.
Ayon kina PSSg. Johnny Margate at PSSg. Gerry Mislang, sa pahayag ng kasambahay ng pamilya na si Jacky Ogaliso, 52, huli niyang nakitang buhay ang mag-iina sa loob ng bahay bandang alas-12:00 ng tanghali.
Inutusan umano siya ng among lalaki na bumili ng mantika sa grocery store, subalit, pagbalik nito ay napansing sarado ang gate ng bahay.
Nakailang ulit siyang tumawag sa mga amo, pero walang sumasagot na tiyempo namang dumating ang ina ng ginang na si Teresita Matias kaya nagpasya ang dalawa na tumawid sa bakod at dito nakita ang duguang bangkay ni Dianne Cristel sa loob ng sasakyan sa garahe na may tama ng bala ng baril sa ulo.
Nasa master’s bedroom naman ang wala ng buhay na ama at ng anak nitong si Miguel Lorenzo, samantalang, sa sofa sa sala nakita ang 14-anyos na dalagita na may tama ng bala sa ulo.
Sa isinagawang technical investigation ng Scene of the Crime Operatives team ng SPD, na sinimulan ng alas-8:05 ng gabi at nagtapos ng alas-10:07 ng gabi kamakalawa, narekober sa pinangyarihan ang caliber .45 pistol na may kasamang magazine at naglalaman ng anim na bala at apat na basyo ng naturang baril.
Idinagdag pa ng kasambahay na nakararanas ng pagbabago sa pag-iisip at emosyon ang suspek na si Manolo Benigno matapos umanong sumailalim sa operasyon sa puso na isa sa tinitingnang motibo ngayon ng mga awtoridad.
Posible rin umanong may kinalaman sa pera ang motibo dahil may quarterly medical check-up ang suspek sa pagamutan. Patuloy na nagsasagawa ng imbestigasyon at inaalam ang tunay na motibo sa nasabing insidente.





Comments