Mamang taxi driver, kasabwat ng mga holdaper na sakay ng nakasunod na sasakyan
- BULGAR

- Aug 6, 2019
- 2 min read
MGA ka-BULGAR, mahilig ba kayong sumakay ng taxi? Pwes, para sa inyo ito, mga suki, dahil namamayagpag pa ang apat na suspek matapos masakote ang kasamang taxi driver na umamin sa krimen.
Personal na nagsadya ang dalawang babaeng biktima sa Manila Police District (MPD) General Assignment Investigation Section (GAIS) upang ireklamo ang balasubas na taxi driver na nakilalang si Jeremias Madarang y Gocoyo. Nagkita ang suspek at ang dalawang biktima sa himpilan ng pulisya.
Ayon sa reklamo, sumakay ang dalawang biktima sa taxi ni Jeremias at habang tumatakbo sila ay kung anu-anong pagtatanong ang ginawa ng driver na panlalansi lang pala ng demonyong suspek para hindi mapansin o mapuna ng mga biktima ang sumusunod sa kanilang puting van.
Ayon kay PSSG Rhafael Rodriguez, may hawak ng kaso, kapag nasa alanganing lugar na ang taxi ay bigla itong hihinto, hudyat para magbabaan ang apat na suspek at agad namang sasakay sa taxi para holdapin ang mga kaawa-awang biktima.
Ganito ngayon ang modus ng mga animal na holdaper, na ayon kay Police Captain Francisco Cruz, hepe ng MPD-GAIS, matapos holdapin ang biktima ay agad ibinababa sa lugar na walang nakakakita sabay takas ng mga ito tangay ang mga importanteng kagamitang ninakaw.
Nananawagan si P/Capt. Cruz na ‘wag basta maging kampante kapag sumasakay ng taxi dahil baka maging biktima kayo ng modus ng mga hinayupak na kasalukuyang gumagala sa Kalakhang Maynila.
Sa imbestigasyon nina PEMS James Poso at PSMS Marlon Satairapan ng MPD GAIS, napag-alamang sinasaktan pa ang mga biktima kapag nanlaban at ayaw ibigay ang kanilang gamit.
O, mga suki, maging mapagmatyag, makiramdam at alerto kapag sumasakay ng taxi para hindi kayo mabiktima ng mga ungas na ito na may kabuntot palang puting van.
Ikaw kaibigan, ano ang sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Mas ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!





Comments