HD SPIKERS, BABAWI SA LARO, BLAZE, MAGPAPATATAG SA PSL
- BULGAR

- Aug 6, 2019
- 2 min read

WALANG aaksayahing oras ang Cignal HD Spikers kapag resbakan time ang pag-uusapan, dahil ito na ang tsansa upang makatuntong sa liderato sa sandaling makaharap ang PLDT Home Fibr sa Philippine Superliga All-Filipino Conference ngayong araw sa Muntinlupa Sports Center.
Magsisimula ang aksyon ng 7 p.m. at target ng HD Spikers na gamutin ang sugat na nilikha ng ika-limang sunod na pagkatalo sa Generika-Ayala noong Sabado sa prestihiyosong women’s club tournament.
Target namang maka-spike ng Petron Blaze ng ika-11 panalo kontra sa mabagal na Marinerang Pilipina sa unang laro ng 4:15 p.m. Paghablot sa solong ikalawang posisyon ang asam ng Blaze para sa 10-1 win-loss card sa likod ng F2 Logistics na nananatiling walang talo sa may 11 laban sa bakbakang ipinapalabas ng ESPN5 at Kapatid TV5.
Nasa 3rd standings ang Foton at Generika-Ayala na may parehong 7-5 card, kabuntot ang Cignal sa 4th spot na may 6-6 marka at may dalawang laro na lang ang nalalabi sa double-round preliminaries.
Target ng HD Spikers na malagay sa top 4, pero ang masaklap na pagkatalo sa 24-26, 25-19, 24-26, 25-18, 14-16 na iskor sa Generika-Ayala ang nakahadlang sa plano.
Sa naturang laban, nagpasabog ng 20 puntos si skipper Rachel Anne Daquis habang si Filipino-American playmaker Alohi Hardy-Robins ang nakapagpakita ng brilyong laro sa bisa ng 15 puntos, 30 excellent sets at 23 digs.
Para kay HD Spikers coach Edgar Barroga, may mga inayos na silang mali sa kanilang porma mula sa dagok ng laro at pokus na sila para sa nalalabing matches upang makuha ang twice-to-beat incentive sa quarterfinals.
Pareho ng kalagayan nila ang PLDT na krusyal ding panalo ang pakay para mapag-ibayo ang 4-7 panalo-talong record. Kailangan daw ng ‘consistency’ sa laro, ayon kay Power Hitters’ coach Roger Gorayeb dahil alam niyang sina Daquis, Mylene Paat, Jovelyn Gonzaga at Robins-Hardy ay kaya silang padapain kapag sila ay nalingat at nagpapetiks.
“Cignal is really a tough and veteran team. We have to be at our best if we want to win over them,” ani Gorayeb, na ibabalandra ang players niyang sina Grethcel Soltones, Aiko Urdas, Jerrili Malabanan, Sasa Devanadera at Jasmine Nabor. (MC)





Comments