3 bangka, pinayagang maglayag kahit masama ang panahon, 31 ang patay, 5 nawawala
- BULGAR

- Aug 6, 2019
- 2 min read
MAGKASUNOD na pamamaril ang naganap sa dalawang Walmart Supermarkets sa loob ng dalawang linggo sa U.S.
Ang unang insidente ay naganap sa Mississippi kung saan dalawa ang namatay. Dating empleyado ang namaril, samantalang, kasalukuyang empleyado naman ng Walmart ang dalawang biktima.
Ang pangalawang insidente ay mas madugo. Dalawampu ang kumpirmadong patay at dalawampu’t anim naman ang sugatan sa Walmart sa El Paso, Texas.
May lumabas na dokumento kung saan inilahad ng sumulat ang kanyang matinding galit sa mga dayuhan pati na rin sa mga pulitikong nagbibigay ng halaga sa mga ito, partikular sa mga Latino o Mexicano.
Agad naglabas ng pagkondena ang mga pulitiko mula sa magkabilang partido, pero agad ding binuhay ng mga Democrats ang pagkontrol sa paghawak ng baril sa Amerika. Alam nating maluwag ang mga batas sa Amerika hinggil sa pagbili ng baril. Ang Texas ang isa sa mga kilalang maluwag ang batas sa paggamit ng baril. May mga sitwasyong hindi na kailangan ng lisensiya o permit. Kailangan lang ng lisensiya kung magsusukbit o nakalabas ang baril.
Kaugnay nito, kapansin-pansing walang sibilyan ang nakipagbarilan sa salarin sa kabila ng sinasabing maraming may nakalabas na baril sa Texas.
Sa ganyang isyu, malamang ay walang kahihinatnan ang debate ng gun control sa Amerika.
◘◘◘
Samantala, sa pagtaob naman ng tatlong bangka sa Iloilo-Guimaras Strait, mahigit 30 na ang kumpirmadong patay habang lima pa ang nawawala gayunman, mahigit 50 pasahero ang nasagip na.
Magtatanong na naman tayo sa Philippine Coast Guard (PCG) kung bakit pinayagang maglayag ang tatlong bangka kung masama ang panahon. Ang malalaking alon daw ang dahilan ng pagtaob ng tatlong bangka. Bakit, maganda ba ang panahon nang maglayag ang mga barko?
Ipinahinto na ng PCG ang mga biyaheng Iloilo-Guimaras, pero huli na para sa mga ganitong pag-iingat.
Sa masamang panahon natin ngayon, paniguradong mahihirapan silang mahanap ang iba pa. Isa na namang masamang trahedya sa karagatan ang naitala sa Pilipinas.





Comments