1 CAN NG SOFTDRINKS, MAY KATUMBAS NA MAHIGIT SA 9 KUTSARITANG ASUKAL
- Dr. Shane Ludovice, M.D.
- Aug 6, 2019
- 2 min read

Dear Doc. Shane,
Halos tatlong bote ng 500 ml. na softdrinks ang iniinom ko kada araw. Ang sabi nila ay mataas daw sa asukal ang softdrinks. Totoo ba ‘yun? Nasa lahi namin ang diabetes at ayokong magkasakit nito kaya lang, hindi ko matiis na hindi uminom ng softdrinks. — Sonia
Sagot
Matagal nang sinasabi ng mga eksperto na ang pag-inom ng softdrinks ay may masamang epekto sa katawan dahil sa sobrang daming asukal nito. Ang 12-oz can ng regular softdrinks ay may 39 grams of total sugar o 9 1/3 na kutsarita.
Hindi natin mababasa ang salitang ‘sugar’ sa label ng softdrinks. Ang nakalagay sa label ay high fructose corn syrup na ginagamit na pampatamis sa softdrinks.
Halimbawa, kung nakalista sa mga ingredients ang mga sumusunod: Sucrose, maltose, dextrose, glucose, lactose, galactose, cane juice, dextrin, maltodextrin, buttered syrup, malt syrup at iba pa.
Narito ang rekomendasyon ng Heart Association para sa asukal na dapat taglayin ng katawan natin kada araw:
3-4 teaspoons (kutsarita) para sa mga bata
5 teaspoons para sa mga babae
8-9 teaspoons para sa mga lalaki
Kaya kahit isang can lang ng softdrinks ang inumin ay sosobra ito sa rekomendasyon.
Kung magbabawas ng timbang lalo na kung diabetic kayo, kailangang umiwas sa liquid calories o mga inuming maraming asukal at calories. Kung ang intake ng calories sa pagkain at inumin ay mas higit sa calories na ating tinutunaw sa paggalaw o ehersisyo, nakakataba ito.
Paano mababawasan ang liquid calories?
Dapat uminom ng tubig. Palitan ng tubig ang softdrinks, energy o sports drink at iced tea. Ang tubig ay walang calories.
Kainin ang buong prutas imbes na uminom ng fruit juice. Mas nakabubusog ang pagkain ng prutas dahil may fiber ito.
Iwasan ang pag-inom ng kape na may whipped cream at iba pang dagdag na sangkap. Piliin ang simpleng kape lamang na puwedeng dagdagan ng low fat na gatas.
Bawasan ang pag-inom ng alcohol. May calories din ang beer, hard drinks at wine.
Mahalagang basahin ang nutrition label ng produktong balak inumin para malaman kung ilang calories ito at may nakatakda ring serving size nito.
Minsan, ang serving size ay maliit at hindi dapat ubusin ang buong bote o lalagyan ng produkto sa isang upuan lamang.





Comments