top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Proseso ng pag-loan sa SSS, alamin!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 5, 2019
  • 2 min read

Dear SSS,

Magandang araw! Nais ko sanang malaman kung puwede na akong makapag-loan sa SSS? Anu-ano ang mga kailangan kong gawin? Maraming salamat! — Larry ng Cebu City

Sagot

Sayang at hindi mo nabanggit ang iyong Social Security number para maberepika namin kung kuwalipikado ka na sa salary loan. Gayunman, ang salary loan ang isa sa pinaka-popular na programa ng SSS at maraming miyembro ang ginagamit ang pautang na ito upang matugunan ang kanilang mga panandaliang pangangailangang pampinansiyal.

Upang maka-avail ng salary loan, dapat ikaw ay nakapaghulog ng hindi bababa sa 36 buwanang kontribusyon sa SSS kung saan ang anim na kontribusyon ay naihulog sa loob ng huling 12 buwan bago ang pag-file ng aplikasyon.

Nakabatay ang halaga ng mauutang sa monthly salary credit (MSC) o antas ng suweldo ng kabuuang kinikita ng miyembro sa loob ng isang buwan. Ang MSC din ang batayan kung magkano ang halaga ng kontribusyon na dapat mong ihulog sa SSS kada buwan. Sa ngayon, ang MSC ay mula P2,000 hanggang P20,000.

Maaari kang mag-file ng loan application sa pinakamalapit na sangay ng SSS at magdala ng napunan na Loan Application Form at photocopy ng Unified Multi-Purpose Identification (UMID) card o dalawang valid IDs.

Kung ikaw ay may employer, ipapasa mo ang napunan na Member Loan Application Form at photocopy ng Unified Multi-purpose Identification (UMID) card o dalawang valid IDs sa inyong awtorisadong kinatawan na siyang magpa-file sa sangay ng SSS. Maaari ka ring mag-apply online sa pamamagitan ng My.SSS na makikita sa SSS website, www.sss.gov.ph. Subalit, kinakailangang ikaw at ang iyong employer ay nakarehistro sa My.SSS. Samantala, ang mga self-employed at boluntaryong miyembro ay maaaring direktang magharap ng kanilang application sa SSS branch na pinakamalapit sa kanila.

Kapag natugunan mo ang lahat ng hinahanap na kuwalipikasyon, ipoproseso ng SSS ang iyong loan at mag-iisyu ng tseke na ipadadala sa iyong employer. Ang employer na ang magbibigay ng iyong tseke.

Para naman sa mga self-employed at voluntary members, ipadadala ang tseke ng loan sa address na nakalagay sa Member Loan Application Form, kaya dapat tiyak na tama ang address na nakalagay dito.

Dagdag pa rito, maaari ring matanggap ang salary loan gamit ang UnionBank ATM cash card. Subalit, ito ay ino-offer pa lamang sa ilang piling sangay ng SSS na may naka-assign na booth ng UnionBank.

Ipinaaalala sa mga miyembro na ang paglagda nila sa Member Loan Application Form ay nangangahulugan na sumasang-ayon sila na bayaran ang loan sa loob ng napagkasunduang termino ng pagbabayad.

Nawa’y nasagot namin ang inyong katanungan.

◘◘◘

Nais nating ipaalala sa mga employer na ang Contributions Condonation Penalty Program naman ay bukas hanggang sa ika-6 ng Setyembre 2019 lamang. Sa ilalim ng programang ito, binibigyan ng pagkakataon ang mga delingku­wenteng employer na bayaran ang mga hindi nabayarang kontribus­yon ng kanilang mga empleyado nang walang multa.

Samantala, nananatiling bukas ang SSS Pension Loan Program para sa mga retiree pensioners upang matu­gunan ang panandaliang panganga­ilangang pampinansiyal. Inaanyayahan ang mga pensiyuna­do na nais mag-avail ng Pension Loan Program na magsadya sa pinakamalapit na tanggapan ng SSS sa kanilang lugar.

Para sa inyong mga katanungan at problema, sumulat sa BUTI NA LANG MAY SSS, at BULGAR BLDG, 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa "sss.bulgar@gmail.com". Puwede ring magdala ng personal ng mensahe sa ating Facebook page: https://www.facebook.com/BULGAR.OFFICIAL

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page