PCUP, nagbibigay ng referral para sa mga gustong humingi ng tulong sa PCSO, DOH, DSWD at iba pa


ISA ring problema sa mga komunidad ng maralitang lungsod ang medical at health services kaya ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) ay tumutulong sa atin na magkaroon ng access sa ganitong serbisyo.
Para sa inyong kaalaman, ang PCUP ay mayroong health unit na puwede nating mahingan ng tulong sa paghahanap ng mga medical sponsor para sa inyong kapamilyang maysakit.
Tanong: Magandang araw, Sir Alvin! May sakit ang tatay ko at kailangan niya ng pampaopera. Nais naming malaman kung ano ang puwedeng maitulong ng inyong opisina sa amin, gayundin, paano ang proseso nito? Maraming salamat sa inyong tulong at konsiderasyon! — Nica
Sagot
Tumutulong ang PCUP sa mga kababayan nating nangangailangan ng tulong-medikal sa pamamagitan ng referral o paglapit sa partner agencies tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang non-government medical sponsors.
Ang ating tanggapan ang aalalay sa atin sa paghahanap ng programa na aangkop sa sakit ng pasyente.
Para maproseso ang request, ipasa lamang ang mga sumusunod: (1) letter request, (2) medical abstract, (3) hospital bill kung mayroon, (4) picture ng pasyente at (5) kumpletong contact details.
Kapag naisumite na ang inyong request, makikipag-ugnayan ang health unit sa inyo para sa mga susunod na hakbangin.
Sa ngayon, wala pang kakayahan ang ating ahensiya na makapagbigay ng anumang ayuda sa mga ganitong sitwasyon, ngunit, makasisiguro tayong tutulungan tayo ng PCUP na makahanap ng medical partners na maaaring sumagot sa operasyon ng iyong ama.
Kung kayo ay mayroong katanungan, suhestiyon o ihihingi ng tulong, maaari kayong magtungo o sumulat sa PCUP Central Office, 4th flr. DHC Bldg., 1115 EDSA, Project 7, Quezon City o mag-email sa pcup.media2019@gmail.com o mag-message sa ating Facebook page na @PCUPOfficial.





Comments