GILAS KAHIT KULANG ANG PLAYERS, LALARGA SA SPANISH TOURNAMENT


UMALIS na kahapon patungong Espanya ang Philippine Men’s Basketball Team para maglaro sa isang pocket tournament kaugnay ng kanilang ginagawang preparasyon sa darating na 2019 FIBA World Cup.
Buhat sa kabuuang 19 manlalarong nasa pool, 11 lamang ang nakasama ng Gilas Pilipinas patungong Espanya.
Kabilang sa mga nakasama sa naturang biyahe ay sina Gabe Norwood, Japeth Aguilar, Beau Belga, Mark Barroca, Paul Lee, Kiefer Ravena, Andray Blatche, Poy Erram, Matthew Wright, CJ Perez, at Robert Bolick.
Puwedeng sumama sa training camp si Kiefer Ravena sa Spain, pero hindi siya maaring lumaro sa national team’s tune-up games laban sa national teams ng Congo, Ivory Coast at Spain.
Nananatili pa rin kasing suspendido si Ravena sa FIBA, ang sports world governing body. Bagama’t pinapayagan siyang mag-ensayo mula Hunyo 24, ang 18-month ban ni Ravena ay sa Agosto 24 pa aalisin, isang linggo bago simulan ng Gilas ang kampanya sa 2019 FIBA World Cup.
‘Di kabilang sa nakasama si Raymond Almazan matapos itong mabigong makakuha ng visa habang hindi rin nakasama sina June Mar Fajardo, Christian Standhardinger, Roger Pogoy, at Troy Rosario dahil maglalaro ang kanilang mga koponan sa 2019 PBA Commissioner’s Cup Finals na nagsimula na kagabi sa Araneta Coliseum.
Ang kanilang iniindang injury ang naging hadlang para kina Stanley Pringle at Marcio Lassiter upang hindi mapasama sa koponan habang ang patuloy na pagkakabitin pa rin ng kanyang estado mula sa FIBA ang naging balakid para ‘di rin mapasama ang NBA star na si Jordan Clarkson.
Hanggang sa ngayon kasi ay hinihintay pa rin ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang tugon ng FIBA sa kanilang apela na kilalaning local si Clarkson sa halip na naturalized player.
Nakatakdang magtungo ang Gilas sa Guadalajara para kalabanin ang mga koponan ng Congo at Ivory Coast sa tune-up games bago sila dumiretso sa Malaga kung saan magaganap ang pocket tournament kasama ang dalawang koponang nabanggit at ang koponan ng Espanya.
“The reason na mag-tune-up tayo is because we want to assess. We want to reevaluate after every game what we need to do, then we have another week or so when we get back here,” wika ni Gilas head coach Yeng Guiao. “Babalik tayo ng August 12 or 13 then, merong practice until the 23rd. Then, that window is a good time for us to make adjustments on what we learned from the Spain trip,” dagdag nito. (VA)





Comments