SOLTONES, BUMANGIS SA HOME FIBR, MARINERA, TAOB
- BULGAR

- Aug 4, 2019
- 2 min read

PINASUKO ng PLDT Home Fibr ang wala pa ring panalo na Marinerang Pilipina sa bisa ng straight sets, 25-16, 25-23, 25-20 upang manatiling nasa kontensiyon ng Philippine Superliga All-Filipino Conference kagabi sa FilOil Flying V Centre sa San Juan City.
Nanggaling pa mula sa nakadidismayang three-set loss sa defending champion Petron ng nakaraang linggo, bumida si Grethcel Soltones sa Power Hitters at bumalikwas sa laro upang bitbitin ang Lady Skippers sa pag-ahon mula sa 12 pagkabokya matapos ang 90 minutong engkuwentro.
Nakapagtarak si Soltones ng 10 kills at 11 puntos para pamunuan ang PLDT kasunod ng malupet na floor defense sa bisa ng 19 digs at 13 excellent receptions sa bakbakan ng prestihiyosong women’s club league. Malaking tulong din ang nagawa ni Aiko Urdas sa bisa ng 9 puntos, 16 digs habang may 9 puntos si Sasa Devanadera, katuwang ang 14 sets ni Jasmine Nabor at 5 markers.
Pinahigpit pa ng PLDT ang kapit sa no.6 spot at umibayo ang kartada sa 4-7 win-loss record, kaya tanggap ni head coach Roger Gorayeb na haharapin nila ang no. 3 team sa knockout quarterfinals. “At least we got a win today. We’re just trying to get confidence from our remaining games,” ani Gorayeb, na may tatlong huling laro kontra Cignal, Generika-Ayala at F2 Logistics. “We only have a slim chance to rise from number six so we just have to maintain it and get ready for the next round.”
Wala naman sa Marinera ang umiskor ng dobleng pigura kung saan sina veterans Ivy Remulla at Nica Guliman ang namayani na may 9 at 8 puntos para malagay sa no. 8 spot na may 0-12 card. (VA)
Laro sa Martes: (Muntinlupa Sports Center)
4:15 p.m. — Petron vs Marinerang Pilipina
7:00 p.m. — Cignal vs PLDT





Comments