top of page

Sipon, sa hangin nakukuha, 'di sa pagkabasa sa ulan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 4, 2019
  • 2 min read

Dear Doc. Shane, Madalas magkasipon ang aking mga anak. Ano ba ang dahilan kung bakit nagkakasipon ang tao? — Marites

Sagot Ang sipon o common cold ay isa sa mga karaniwang sakit ng tao na nakaaapekto sa itaas na bahagi ng hingahan (upper respiratory tract) na binubuo ng ilong at lalamunan. Ito ay dulot ng impeksiyon ng cold virus na tumutukoy sa ilang uri ng virus kabilang ang rhinovirus, coronavirus, respiratory syncytial virus (RSV) at marami pang iba. Ang pangunahing dahilan ng sipon ay ang rhinovirus.

Bakit tayo nagkakasipon? Ang mga virus na nagdudulot ng sipon ay maaaring makuha sa ilang pamamaraan, una ay sa hangin na maaaring nahaluan ng talsik mula sa bahing ng taong may sipon at ikalawa ay mula sa mga bagay na kontaminado na maaaring nahawakan din ng taong may sipon. Kapag ang mga virus na ito ay nakapasok sa katawan, maaaring sa bibig o sa ilong, gagawa ng aksiyon ang depensa ng katawan (immune system) para labanan ang virus.

Ang aksiyong ito ng katawan ang nagdudulot ng pamamaga ng ilong at lalamunan na kalaunan ay pagkakaroon ng mucus o sipon. Ngunit, bukod sa virus, may ilang allergens tulad ng pollen mula sa halaman at alikabok sa hangin na maaaring makapagdulot din ng kaparehong reaksiyon.

Ang sipon na dulot ng allergens ay allergic reaction na kung tawagin ay allergic rhinitis. Mas prone na magkaroon ng sipon ang mga bata na wala pang sapat na immunity para sa mga virus na nagdudulot ng sipon.

Totoo ba na kapag naulanan ay magkakasipon agad?

Hindi ito totoo, hindi agad magkakasipon ang sinuman dahil lang nabasa ng ulan. Sa totoo lang, mas mataas ang tsansa na magkaroon ng sipon kapag madalas tayong napaliligiran o may nakasasalamuhang tao sapagkat maaari tayong mahawa sa anumang virus na mayroon sila kaya makabubuting palagi tayong magdala ng panyo at maghugas ng mga kamay kapag lumalabas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page