REALTORS SUMAKOP NG PANALO, TAMARAWS, NAKAKASUWAG PA


HINDI na pinayagan ng Pasig Sta. Lucia na makapanungkit pa ng panalo ang Soccsksargen Marlins sa bisa ng 89-77 na pananalasa noong Biyernes sa Maharlika Pilipinas Basketball League Lakandula Season Cup sa Pasig Sports Complex.
Sa tikas nina Jeric Teng, Josan Nimes, Jeric Serrano at Robbie Manalang, bumanat agad ang Realtors sa 81-59 bago umalagwa sa ika-4 na diretsong tagumpay at itinarak ang 5-2 win-loss record.
Umarangkada si Teng ng 25 puntos sa bisa ng 8 rebounds, 3 assists at 2 steals, nakatipon si Nimes ng 19 puntos at 6 rebounds, habang may 11 puntos si Serrano at may 15 puntos si Manalang. Hindi nakaporma sa ika-6 na diretsong laro ang Marlins sa kabila ng 24 puntos at 11 rebounds na kinana ni Raniel Kae Diwa.
Sa unang laro, nagawa pang humabol ng Mindoro Tamaraws sa 14 puntos na pagkaiwan upang pasabugin ang Bicol Volcanoes, 74-70. Sumandal ang Tamaraws nina dating pro player Mac Baracael at head coach Justin Tan kina Joseph Brutas at Nicol Bolos upang masungkit ang 3rd win laban sa 4 na talo. (MC)





Comments